Tinanggihan ng pamahalaan ang pagbawi sa martial law sa Mindanao na hinihingi ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) bilang kapalit ng pagtulong nito sa paglaban sa Maute Group sa Marawi City.

Iginiit ni Presidential spokesman Ernesto Abella na hindi dapat nagpapataw ng kondisyon ang rebeldeng grupo kung tapat ito sa pag-aabot ng tulong na labanan ang banta sa sambayanan.

“To show the CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front) is truly in pursuit of peaceful coexistence, they must stand against the common enemy without conditions,” sabi ni Abella.

“A potential cooperation is unlikely with the statement of the National Democratic Front of the Philippines that it would cooperate with the government in fighting the Maute group if we would lift the declaration of martial law and withdraw our all-out war policy,” sabi niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nag-alok si Moro National Liberation Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari ng 2,000 mandirigma para tumulong sa pakikipaglaban sa mga terorista.

Sinabi ni Pangulong Duterte noong una na tinanggap na niya ang alok ni Misuari pero klinaro kalaunan na ang alok ay hindi na matatanggap sa ngayon. Sinabi niya na hindi magandang tingnan na paglalabanin ang Moro sa Moro.

Sinabi ni CPP Chairman Jose Maria Sison na maaaring isabak ang NPA laban sa Maute sa Marawi, pero iginiit na kailangang magkaroon ng ground rules sa panukalang pakikipagtulungan nila sa militar.

Sa kanyang pagbisita sa isang kampo militar sa Sultan Kudarat nitong Martes, umapela ang Pangulo sa NPA isuko na ang kanilang mga armas.

“Kayong mga sundalo sa New People’s Army, kung gusto ninyong sumali sa gobyerno ko, I will take you in as soldiers of the country. I will enlist you as soldiers anytime bumaba lang kayo at mag-train,” sabi ni Duterte sa harap ng mga sundalo sa Camp Leono, sa Tacurong City. (Genalyn D. Kabiling)