DALAWANG petisyon ang nakabimbin ngayon sa Korte Suprema na may kaugnayan sa pagdedeklara ng martial law at pagsususpinde sa writ of habeas corpus ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Una, iyong isinampa ng pitong Kongresista na, kung tama ang naiulat, naglalayong ipabasura sa Korte ang martial law.
Ikalawa, iyong idinulog naman ng mahigit 300 abogado na ang layunin ay atasan ng Korte ang Kamara at ang Senado na magtipon para busisiin ang martial law kung ito ay naaayon sa Saligang Batas.
Kaya, ikinakatwiran ng petisyong ito na mali ang ginawa ng Kamara at ng Senado na, hindi na nga sila magkasamang nag-meeting, gumawa pa sila ng hiwalay na resolusyon na sumusuporta sa Pangulo.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, sa pagpuna niya sa petisyong ito ng mga abogado, kuwestiyon lang ito ng interpretasyon. Kasi, nakasaad sa Konstitusyon na sa loob ng 48 oras pagkatapos niyang iproklama ang martial law o suspendihin ang writ of habeas corpus, tungkulin ng Pangulo na magsumite ng ulat sa Kongreso.
Ang boto ng mayorya sa pinagsamang boto ng Kamara at ng Senado ay maaaring bawiin ang proklamasyon o suspension na hindi puwedeng balewalain ng Pangulo.
Kaya, gumawa ng kaniya-kniyang resolusyon ang Kamara at ang Senado na sumusuporta sa Pangulo dahil ang interpretasyon nila sa nasabing probisyon ay magkasama lamang silang magtitipon kung ipawawalang-saysay nila ito. Eh, sinusuportahan nga raw nila ito.
Mali ang interpretasyon ng Kongreso. Labag ito sa espiritu ng Konstitusyon. Ang nasabing probisyon ay wala sa naunang Saligang Batas, pero iginuhit ito sa dugo sa ipinalit dito. Ang binagong Saligang Batas ay bunga ng pagkalas ng bansa sa pinakamatinding pagsubok sa kasaysayan.
Sa pagdeklara ng martial law ni dating Pangulong Marcos, inagaw niya ang kapangyarihan ng taumbayan sa dulo ng baril.Ginamit niya ang gobyerno laban sa mamamayan para maisulong ang pansariling interes. Nagmistulang gubat ang bansa na ang naghahari ay lakas. Garapalang nilabag ang karapatang pantao.Bumaha ng dugo at luha sa bansa na siyang ayaw maulit ng mamamayan, pero nangyayari na ngayon sa Marawi.
Kaya, para sa kanilang proteksiyon, inilagay nila ang probisyon sa bagong Saligang Batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa kanilang mga kinatawan na balewalain ang deklarasyon ng martial law at suspensiyon ng habeas corpus ng Pangulo.
Pero, bago nila magamit ang kapangyarihang ito, kailangang magsama-sama ang mga Kongresista at Senador upang busisiin ang deklarasyon at suspensiyon.
Ang kanilang pinagsamang session ay bukas sa sambayanan para malaman kung para sa kanilang proteksiyon ang mga ito.
Ang ginawa ng Kongreso, sa pagsunod sa sariling interpretasyon sa probisyon ng Konstitusyon na maaari silang hindi na magsama-samang magtipon dahil sinasang-ayunan naman nila ang ginawa ng Pangulo, ay pagkakanulo sa kanila.
(Ric Valmonte)