Aabot sa P120,000 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa isang guwardiya at tatlo niyang kasabwat sa buy-bust operation sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Dakong 11:15 ng gabi, inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District’s Drug Enforcement Unit (DDEU) sina Rafael Tupas, 34, at mga kasamang sina Jeffrey Palomo, 27; Jeric Sinajunan, 24; Rowel Gargar, 22; sa Sinag Tala Street, Mahabang Nayon, Barangay Bahay Toro.

Nakuha sa kanila ang 60 pakete ng hinihinalang shabu, na may bigat na 20 grams, at nagkakahalaga ng P120,000.

Ang ikalimang suspek, kinilalang si “Toto,” ay nakatakas habang pinapaputukan ang awtoridad.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa pulis, inilatag nila ang P1,000 drug deal laban kay Tupas na sinasabing kilabot na tulak sa kanilang lugar.

Pumayag siyang isagawa ang transaksiyon sa kanyang bahay sa Sinag Tala Street.

Sa gitna ng transaksiyon, natunugan umano ni Toto na peke ang transaksiyon at tumakbo sa madilim na eskinita patungong sapa. Armado umano ito ng baril at tatlong beses pinaputukan ang mga humahabol na pulis bago tuluyang tumalon sa sapa.

Samantala, hindi naman nakatakas si Tupas at ang iba pa.

Bukod sa mga pakete ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalia, nakuha rin mula sa mga suspek ang ilang piraso ng bala para sa M-16 rifle, caliber 45, at 9mm pistol.

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga naaresto. (Vanne Elaine P. Terrazola)