SA loob ng tatlong linggo ay kukumpletuhin na ng mga anak ni Hatoon al-Fassi ang kanilang final exams sa eskuwelahan sa Qatar, ngunit dahil mga Saudi national sila, mayroon na lamang silang dalawang linggo upang lisanin ang bansa sa gitna ng nakagugulat na mga pagbabago na labis nang nakaaapekto sa mga karaniwang tao at sa maraming negosyo.

Ramdam na ang matinding epekto ng krisis pulitikal na kinasasangkutan ng isa sa pinakamalalaking natural gas producer at travel hub sa mundo na regular na umaangkat ng pagkain. Milyun-milyong katao na ang naapektuhan, at maraming residenteng Arab sa Qatar ang saklit na ngayon ng kawalang katiyakan.

Sumabog nitong Lunes ang ilang taon nang pinipigil na tensiyon sa mga ugnayan sa Gitnang Silangan makaraang pormal na putulin ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, Bahrain, at Egypt ang diplomatikong ugnayan ng mga ito sa Qatar.

Isinara ng apat na bansang Arab ang kanilang mga lupain, karagatan at himpapawid para sa Qatar, inaakusahan ito ng pagsuporta sa mga grupong terorista sa rehiyon, nakikialam sa usapin ng soberanya ng mga ito, at umaayuda sa mga grupong nagsusulong ng kaguluhang pulitikal.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Inatasan din ng Saudi Arabia, UAE, at Bahrain ang mga mamamayan nito—na bumibiyahe nang walang visa sa anim na bansang miyembro ng Gulf bloc kabilang ang Qatar—na lisanin na ang bansa at nagbabala laban sa pagdaan sa Qatar.

Walang katiyakan ngayon ang kapalaran ng nasa 300,000 Egyptian sa Qatar.

Agarang naramdaman ang epekto ng pagdidisiplina sa Qatar nitong Lunes. Sumugod ang mga natarantang residente sa mga grocery store upang mamili ng mga pangunahing pagkain habang daan-daang truck na nagbibiyahe ng mga pagkain at gamit sa konstruksiyon ang pinatigil sa pagpasok sa Qatar mula sa Saudi Arabia. Disyerto ang malaking bahagi at nasa silangang bahagi ng Saudi Arabia, inaangkat ng Qatar ang mahigit 40 porsiyento ng mga kinakailangan nitong pagkain sa nag-iisa nitong hangganang lupain sa Saudi Arabia.

Bumulusok ng mahigit pitong porsiyento ang stock market ng Qatar nitong Lunes, bagamat nakabawi na rin naman kinabukasan.

Naantala rin ang mga biyahe sa Hamad International Airport ng Qatar na nagsisilbing pangunahing transit hub para sa 37 milyong pasahero kada taon, ang malaking bahagi ng mga biyahe ay sa pagitan ng Europa at Asia. Napilitan naman ang flagship carrier nito, ang Qatar Airways, na magbago ng ruta sa mga biyahe nitong patungong Europa at piniling dumaan sa ibabaw ng Iran at Turkey makaraang bawalan ng Saudi Arabia at Egypt ang mga eroplano ng Qatar sa kani-kanilang himpapawid.

Ipinatigil din ng Qatar Airways ang mga biyahe nito sa apat na bansang Arab bilang tugon sa pagsuspinde ng Etihad, FlyDubai, Emirates ng UAE, EgyptAir, at Gulf Air ng Bahrain sa mga biyahe nito patungong Qatar.

Masasalamin sa mga hakbangin laban sa Qatar ang matagal nang galit tungkol sa pagsuporta nito sa mga Islamist, gaya ng grupong Muslim Brotherhood, at sa kaugnayan ng Qatar sa Iran, ang kaalitan ng Saudi Arabia sa Gitnang Silangan.

Ayon sa Gabinete ng Qatar, ang desisyong putulin ang kaugnayan ay batay sa “fabricated allegations and lies”. Layunin nitong tiyakin sa mamamayan at mga residente na may contingency plan ang pamahalaan para sa mahahalagang pag-aangkat.

Sinabi ng gobyerno ng Qatar na ito “[had] already taken the necessary measures and precautions to ensure that normal life continues.” (Associated Press)