Naaresto kahapon si dating Marawi City Mayor Fajad “Pre” Umpar Salic sa checkpoint ng Philippine National Police (PNP) sa Barangay San Martin, Villanueva, Misamis Oriental, kaugnay ng nagpapatuloy na bakbakan sa lungsod sa Lanao del Sur.
Batay sa report na tinanggap ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa mula sa Misamis Oriental Police Provincial Office (MOPPO), inaresto si Salic bandang 7:30 ng gabi nitong Miyerkules para sa kasong rebelyon.
Sinabi naman ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-10, si Salic at naaresto ng mga tauhan ng Provincial Public Safety Company (PPSC) habang sakay sa kanyang puting Ford Ranger (PN-1151) patungong Cagayan de Oro City.
Pansamantala siyang ikinulong sa himpilan ng Villanueva Police bandang 11:00 ng gabi nitong Miyerkules.
Dating asawa ng aktres na si Alma Moreno, inakusahan si Salic na kabilang sa mga nasa likod ng pagsalakay ng Maute Group sa Marawi nitong Mayo 23, ngunit mariin itong pinabulaanan ng dating alkalde.
Kinumpirma naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na iniimbestigahan ng militar si Salic bilang isa sa mga pangunahing tagasuporta at financier ng Maute.
Ayon kay Brig. Gen. Gilbert Gapay, deputy commander ng Eastern Mindanao Command, batay sa kanilang impormasyon, nagsisimula pa lang ang grupong Maute ay tumutulong na si Salic sa pinansiyal at kagamitan ng grupo.
Si Salic ay in-law ng magkapatid na teroristang sina Omar at Abdullah Maute. Ang asawa niyang si Rasmia Salic ay pamangkin ng ina ng magkapatid na Maute na si Farhana Romato Maute.
Pinangungunahan ng magkapatid na Maute, kasama ang leader ng Abu Sayyaf Group na si Isnilon Hapilon, ang tangkang pagkubkob sa Marawi.
Matatandaang kabilang din si Salic sa listahan ni Pangulong Duterte ng mga “narco-politician”, at boluntaryong sumuko sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Region 10. (FER TABOY at ALI MACABALANG)