EBULAGA_Hanelyn Mae Milca

SA loob ng halos apat na dekada, naging bahagi na ng buhay ng milyun-milyong Pilipino ang Eat Bulaga. Hindi lamang nagbibigay ng kasiyahan sa mga manonood ang programa ngunit patuloy din sa hangaring makapagbigay ng inspirasyon at tulong sa mamamayang Pilipino.

 

Isa sa mapapalad na natulungan ng Eat Bulaga ang 21 taong gulang na si Melvin Dugan.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

 

Pangalawa sa tatlong magkakapatid sa mahirap na pamilya sa Taguig City si Melvin. Nais niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, ngunit walang maayos na hanapbuhay ang kanyang mga magulang.

 

“Bata pa lang ramdam ko na ‘yung kahirapan kasi wala kaming bahay. Nangungupahan lang kami. Hindi din sapat ‘yung kinikita ng magulang ko. Akala ko hindi na ako makakapag-aral noon,” sabi ni Melvin.

 

Kaya napakalaking biyaya para kay Melvin nang isa siya sa mapapalad na napili sa EBest o Eat Bulaga Excellent Student Awards, ang programang tumulong kay Melvin para makapagtapos ng high school at kolehiyo.

 

Bukod sa scholarship grant, nakatanggap din si Melvin ng monthly allowance at annual cash assistance para sa iba pa niyang mga pangangailangan sa eskuwelahan.

 

“Masaya ako kasi nagkaroon ako ng pagkakataon na matapaos ng pag-aaral. Kung wala ‘yung Eat Bulaga, mahihirapan kaming maka-survive at makatapos ako ng kolehiyo. Very thankful ako sa tulong nila,” saad ni Melvin.

 

Nitong nakaraang March 31, nagtapos si Melvin na cum laude sa Jose Rizal University sa kursong Business Administration major in Accounting. Aniya, isa itong malaking hakbang tungo sa katuparan ng kanyang mga pangarap.

 

“Nakakatuwa na may isang programa sa telebisyon na binibigyan ng pagkakataon ang kabataan na makapagtapos, na matulungan ang kanilang pamilya at umahon sa hirap ng buhay.”

 

Tulad ni Melvin, mahirap din ang pamilya ni Hanelyn Mae Milca sa Davao. Hindi niya akalain na magkakaroon siya ng pagkakataon na makapagtapos ng high school at maipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo.

 

Malaki ang pasasalamat niya sa kanyang guro sa Tugbok Central Elementary School na naging daan para makuha niya ang scholarship ng Eat Bulaga.

 

“Ilang taon din ako na nag-aral na walang kuryente. May mga days na kailangan talagang lumiban sa klase kasi walang pera para sa pamasahe,” kuwento ng dalaga. “Hindi sinabi agad sa akin ng teacher ko. Sabi lang niya pupuntahanan ako ng staff ng Eat Bulaga. Nagtaka ako kung ano ‘yun. Nu’ng panahon na ‘yun wala kaming ilaw. Hirap talaga ang buhay.”

 

Pagkatapos ng high school, kumuha ng kursong Education si Hanelyn sa University of Mindanao at nagtapos nitong April 25.

 

“Edukasyon ang tanging hindi maaagaw ng kahit na sino man sa isang tao. Iyon lang din ang tanging maipamamana sa akin ng aking mga magulang. It’s a privileged and a blessing na naging part ako ng EBest program dahil kakaunting tao lang ang nabibigyan ng ganitong oportunidad na makapagtapos ng pag-aaral.”

 

Mahirap din ang pinagdaanan ni Angel Bert Baguhin bago siya nakatapos ng kolehiyo.

 

Laki sa Cagayan de Oro, ang ama ni Angel Bert ang tanging bumubuhay sa kanilang magkakapatid sa pamamagitan ng pagtitinda ng empanada at lumpia.

 

Nang pumunta ang staff ng Eat Bulaga sa kanilang paaralan walang taon na ang nakalilipas, hindi niya pinalampas ang oportunidad para maging EBest scholar.

 

“Malaking tulong ‘yung scholarship kasi hindi na iisipin ng mga magulang ko ‘yung bayarin sa eskuwela. Kung wala ang Eat Bulaga, wala ‘yung tulong nila, hindi ako makakapagtapos ng pag-aaral. Wala akong diploma ngayon,” saad niya.

 

Nakapagtapos na si Angel Bert sa kursong Chemistry sa Xavier University Ateneo de Cagayan. Iniaalay niya ang kanyang tagumpay sa kanyang ama na pumanaw noong Nobyember 2015.

 

Nais din niyang ibahagi sa ibang kabataan ang oportunidad na ibinigay sa kanya ng Eat Bulaga.

 

“Alam ko ang pakiramdam ng hindi makapag-aral dahil kapos sa pera. Napakaganda ng ganitong programa na maraming tao ang natutulungan,” aniya. “’Pag pinalad ako na magkatrabaho at makaluwag-luwag sa buhay, plano ko na mag-sponsor din ng isang estudyante na kapos ngunit nagnanais na makatapos ng pag-aaral at umahon sa hirap. Gusto ko ibahagi ‘yung blessing at tiwala na binigay ng programa sa tulad ko.”

 

Sina Melvin, Hanelyn at Angel Bert ay tatlo lamang sa anim na EBest scholars na nakapagtapos sa kolehiyo nitong nakaraang graduation season. Nagtapos na rin sina Almira Bless Amorado ng Cebu, Ma. Myka Barbilla ng Bacolod at Yllor Sedol ng Quezon City.

 

Sina Almira at Myka ay parehong nagtapos bilang magna cum laude sa Cebu Institute of Technology-University at Colegio San Agustin-Bacolod, at si Sedol naman ay natanggap ang kanyang diploma sa kursong Bachelor of Science in Physics mula sa Polytechnic University of the Philippines.

 

Bukod sa kanilang anim, mayroon pang walong EBest scholars na magtatapos sa buwan ng Hunyo at Hulyo ngayon taon.

 

Inilunsad noong 2009 sa ika-30 anniversary ng programa, ang EBest Awards ay binuo upang magbigay ng scholarship grants sa mga natatanging elementary students na walang sapat na kakayahan na makapag-aral sa high school at kolehiyo.

 

Sa ngayon, ang Eat Bulaga ay mayroong 35 college scholars sa Sulu, Batanes, Davao, Cebu, Iloilo, Pangasinan, Bacolod, Benguet, Nueva Ecija, Laguna, Bulacan, Manila, Batangas at iba pang lalawigan sa bansa.

 

Ang EBest Awards ay isa lamang sa mga inilunsad na programa ng Eat Bulaga tulad ng EB Classroom Project, EB Heroes, Isang Lapis Isang Papel Project at ang AlDub libraries.

[gallery ids="247928,247927,247926,247925,247923"]