Ginawa na ang lahat ng drug suspect upang makatakas mula sa awtoridad hanggang sa siya ay namatay habang sugatan naman ang pitong buwang gulang na lalaki sa anti-criminality operation sa Pandacan, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dahil sa mga tama ng bala sa katawan, patay ang suspek na si Edwin Pore, alyas Utak, nasa hustong gulang, ng Kahilum II, Pandacan, Maynila habang ginagamot pa sa ospital ang sanggol na si “Ali”, ng Durian Street, Kahilum II.
Arestado naman ang kasabwat ni Pore na si Reggie Roxas, alyas Bakulaw, 41.
Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 12:40 ng madaling araw nangyari ang engkuwentro sa bahay ni Ali.
Una rito, sinalakay ng mga tauhan ng Drug Enforcement Team at ng Anti-Crime Unit ng MPD-Station 10, sa pamumuno ni Police Senior Insp. Val Valencia, ang nasabing lugar nang makatanggap ng tip hinggil sa nagaganap na ilegal na aktibidad.
Pagdating ng mga pulis sa lugar ay nadatnan nila ang ilang nagsusugal, kabilang sina Pore at Roxas, na kalaunan ay nadiskubreng sangkot din sa ilegal na droga.
Tinangkang arestuhin ng awtoridad ang mga suspek ngunit nagpulasan ang mga ito at nagkahabulan.
Agad nakorner si Roxas habang nagawang makapasok ni Pore sa bahay ni Ali na noong oras na iyon ay nasa ikalawang palapag habang kasama ang isa pang bata at kanyang lola.
Napansin ni Pore na hinahabol pa rin siya ng mga pulis kaya pinaputukan niya ang mga ito ngunit pumalya ang kanyang baril hanggang sa naisipang gawing panangga ang sanggol.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang pen gun, isang balisong at anim na pakete ng umano’y shabu. (Mary Ann Santiago)