Umani ng tambak na reklamo ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa mga hindi naka-schedule na brownout na naranasan ng mga lalawigan sa Region 1 sa nakalipas na mga araw, partikular tuwing gabi.
Paglilinaw ni NGCP Regional Communications & Public Affairs Officer Lilibeth Gaydowen, nauunawaan niya ang mga hinaing ng mga residente, at may tatlo aniyang dahilan kung bakit may mga biglaang pagkawala ng kuryente pagsapit ng gabi.
Aniya, bukod sa peak hour mula 7:00-10:00 ng gabi na madalas ang mga hindi inaasahang brownout, may 15-araw na scheduled shutdown ang tore sa San Esteban Laoag-230KV lines 1 at 2, at walang generation mula sa mga wind farm sa Ilocos Norte.
Kaugnay nito, humihingi ng paumanhin ang NGCP sa mga naapektuhang residente, at sinabing gumagawa na sila ng paraan upang hindi na maulit ang nangyari. (Rommel P. Tabbad)