SA mundong nahaharap sa tumitinding panganib sa pandaigdigang banta ng terorismo na isinusulong ng Islamic State, isa pang potensiyal na delikadong lugar ang umuusbong sa Gitnang Silangan, kung saan pinutol ng ilang bansang Arab ang diplomatiko nitong ugnayan sa Qatar, isa sa Gulf States, dahil umano sa pagsuporta ng bansa sa mga teroristang grupo.
Inihayag ng Saudi Arabia, kasama ang Gulf States Bahrain at United Arab Emirates (UAE), at ang karatig-bansa nila sa kanluran, ang Egypt malapit sa Red Sea, na tinatapos na nito ang ugnayang diplomatiko at konsulado sa Qatar “to protect its national security from the dangers of terrorism and extremism.” Kaagad na isinara ng Saudi ang mga hangganan nito sa Qatar, hinarang ang mga ibinibiyaheng pagkain at iba pang supplies. Pinangangambahang matindi rin ang magiging epekto nito sa sistema ng pagbabangko sa Qatar.
Ang Qatar ay isang enclave na nakaalsa mula sa lupa ng Saudi sa Persian Gulf, na nasa hilaga nito ang Bahrain, at nasa timog naman ang UAE. Nasa bandang kanluran naman ang Egypt, sa tapat ng Saudi Arabia. Kinokondena ngayon ang Qatar ng mga kapwa nito estadong Arab, inakusahan ng pagsuporta sa terorismo ng Islamic State at Al Qaeda, gayundin sa mga aktibidad na pangterorismo ng Iran, na suportado naman ng mga Shiite.
Posibleng may kaugnayan din dito ang Amerika. Bumisita kamakailan si US President Donald Trump sa Saudi Arabia, at nagkasundo ang dalawa sa daan-daang bilyong dolyar na halaga ng mga armas at pamumuhunan. Mayroon itong naval base sa Qatar at matagal nang hindi maayos ang ugnayan sa Iran.
Sa kanyang pagbisita sa rehiyon, binatikos ni President Trump ang Iran sa pagsuporta sa terorismo mula sa Syria hanggang sa Yemen. Ito ang naging reaksiyon niya sa komento ng pinuno ng Qatar na si Sheikh Tanimbin Hamad Al Thani na tumuligsa sa tumitinding sentimyento kontra Iran sa rehiyon.
Ang nangyayari ngayon sa Persian Gulf ay direktang kinasasangkutan ng apat na estadong Islam —ang Saudi Arabia, UAE, Bahrain, at Egypt — laban sa dalawa pang bansang Muslim — ang Qatar at Iran — dahil sa usapin ng terorismo. Ramdam na natin dito sa Pilipinas ang epekto ng terorismo; ang pagsalakay ng Maute Group sa Marawi City ay sinasabing impluwensiya ng Islamic State sa paghahangad na magkaroon ng teritoryo sa Mindanao.
Ngunit isang higit na direktang epekto ang mararamdaman ng halos dalawang milyong Pilipino na nakatira at nagtatrabaho sa Saudi Arabia at sa iba pang Gulf States. Tiyak nang mararamdaman ng nasa 250,000 Pinoy sa Qatar ang masamang epekto ng desisyong pinangunahan ng Saudi — mula sa kakapusan sa pagkain na maaaring idulot ng pagsasara ng mga hangganan hanggang sa pananamlay ng ekonomoya na maaaring magbunsod ng pagkawala ng mga trabaho para sa mga Pilipino sa Qatar.
Kinakailangang subaybayan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga nangyayari sa bahaging iyon ng mundo. Hindi ito magbubunsod ng aktuwal na karahasan ng terorismo sa iba pang panig ng mundo, ngunit maaaring maapektuhan ang mga Pinoy sa Qatar sa kawalang katiyakang panlipunan, pulitikal, at pang-ekonomiya kasama ng iba pang mamamayan ng Qatar, at kalaunan ay maaaring kailanganin na magsiuwi sila sa Pilipinas.