Patay ang sampung miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) habang apat na sundalo naman ang nasugatan sa bakbakan ng dalawang panig sa Maguindanao, kahapon.

Ayon kay Capt. Arvin Encinas, public affairs chief ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army, apat sa 10 napatay sa BIFF ang kinilalang sina Badrodin Haron, alyas “Tro”; Ali Abdul Malik; Badrudin Kalun Mabang; at Mohaiden Mando.

Sinabi ni Encinas na operasyon ng 601st Brigade at Ist Mechanized Brigade kontra sa BIFF sa Barangay Pusaw, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.

Inihayag ni Encinas na gumamit ng 105mm howitzers cannon ang mga sundalo sa pambobomba sa mga miyembro ng BIFF at mga teroristang tagasuporta ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) na nagtatago sa tinatawag na SPMS Box.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ang SPMS, o ang mga bayan ng Salbu, Pagatin, Mamasapano, at Shariff Aguak, ay mga bayan sa Maguindanao na teritoryo ng BIFF.

Nagsilikas naman ang mga sibilyan mula sa Mamasapano at Shariff Saydona Mustapha sa takot na maipit sa kaguluhan.

Nasamsam ng militar mula sa mga napatay na bandido ang itim na watawat ng ISIS, matataas na uri ng armas, at bomba.

(Fer Taboy)