MULI kong ipinaabot sa ating Pamahalaan ang tatlong panukala na kailangang sertipikahan ng Malacañang bilang “priority bills” sa Kongreso at Senado: 1) Rebisahin ang kasalukuyang ‘Human Security Act’ na sa pagkapanday ng mga dating mambabatas, inalisan ng pangil.

Kinakailangan magkaroon ng tinaguriang ‘Anti-Terrorist Law’, maging pulitikal o naggagayak pangrelihiyon ang hangarin ng alinmang grupo, basta ba sibilyan ang puntiryang biktimahin sa kanilang maitim na hangarin hal. pambobomba, kidnap-for-ransom na namumugot ng ulo at iba pa; 2) Ang tinaguriang ‘Acts of War Law’, kung saan ang isang tao o lupon, basta ba bukas na binabatingaw ang pagsapi o pagtanggap ng tulong o lantarang niyayakap ng dayuhan at teroristang grupo, sasabit sa ating batas.

Ang pagsapi pa lang, dapat krimen nang maituturing. Kung sakali, nakagawa ng karahasan kontra sa Estado, sa AFP, lalo na sa mga mga inosenteng Pilipino, hindi pangkaraniwang Hukuman ang lilitis sa may sala, bagkus Military Tribunal.

Ang parusa ay maaaring habambuhay na pagkakakulong o “firing squad”. Bale katumbas na nila ang mga nagbibihis “sundalo na karahasan ang layunin”, at nagtraydor pa sa Pilipinas.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Kahit sila ay mga sibilyan, pananagutan nila ito dahil tiwaling mandirigma ang kilos; 3) Ang pag-ampon sa

kahalintulad na FISA (Foreign Intelligence Service Act) ng Amerika kung saan may tinatanging Hukuman para makakuha agad ng “warrant” ang mga itinakdang ahensiya upang “makinig, tiktikan, at hulihin” ang mga espiya ng ibang bansa, kanilang mga kausap, pati terorista at kanilang grupo.

Iangkas na rin natin sa panukala ang “big-time” drug manufacturer at mamumuhunan. Hindi na biro ang nagaganap sa Marawi. Kung hindi ito maaagapan, kakalat ang hibla ng “isip ISIS” sa ating lipunan.

Nakalulungkot ang mga nangyayari sa kasalukuyan dahil hindi ito ang tunay na turo ng Islam. Hindi ito ang angkop na kagawian ng kulturang Pilipino.

Nilulugso ang kagawiang Asyano sa kasaysayan at kultura ng mga bansang mula Gitnang Silangan. Sila ang magugulo, mararahas at nagbabangayan sa pulitika at pananampalataya kahit puro Muslim.

Nariyan ang Afghanistan na ang Taliban umiiwas sa Al Qaeda at sa ISIS pa. May Syria, Libya, Iraq na mga bansang warak. Naghahanap sila ng damay sa atin. Panahon na upang labanan ang ganitong utak/isip karahasan! (Erik Espina)