Qatar

Nanawagan ang ilang mambabatas at iba’t ibang grupo na bawiin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang inilabas na temporary deployment ban sa mga manggagawang Pilipino sa Qatar.

Nagkaroon ng pangamba sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa Qatar bunga ng desisyon ng Saudi Arabia, Bahrain, Egypt at United Arab Emirates na putulin ang diplomatic ties sa Qatar dahil sa diumano’y pagsusuporta sa terorismo at pagbubulabog sa kapayapaan sa rehiyon. Nakiisa sa hakbang ang Yemen at Maldives.

Mariing itinanggi ng Qatar ang lahat ng mga paratang.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sinabi ni ACTS OFW party-list Representative Aniceto “John” Bertiz III na walang sapat na batayan ang pagsuspinde sa pagpapadala ng mga Pinoy sa Gulf state.

Inihayag ni Bertiz, miyembro ng House Committee on OFW Welfare, na sa kabila ng problema sa diplomasiya na kinakaharap ng Qatar, nananatiling normal ang sitwasyon doon. Gayunman, aminado siya na ang pagpapatalsik ng Saudi at Egyptian expatriates na nakabase sa Qatar ay maaaring makaapekto sa kanilang mga empleyadong Pinoy.

“We have yet to hear of any clamor from our workers in Qatar for immediate repatriation. Based on my own personal consultations with our workers in Doha, they are determined to stay put and continue working for their employers,” ani Bertiz.

Tila suportado naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga pahayag ni Bertiz kaugnay sa sitwasyon sa Qatar ngunit sinabing pag-aaralan pa nila ang pagbawi sa inilabas na suspension order nitong Martes.

Nagbabala rin si Senador Nancy Binay sa kagad na paglabas ng DOLE ng mga direktiba na aniya ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa nga OFW sa Qatar.

“The move to abruptly suspend the deployment of Filipino workers to Qatar may have been premature considering that we have heard no complaints so far from the OFWs who are based there,” aniya.

Hinimok niya ang DOLE na maging mahinahon sa pagtugon sa pagbagsak ng relasyon ng mga bansa sa Gulf Arab at makipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA).

“This is an internal problem among the Gulf States and we should be patient and understanding as their leaders try to resolve their problems in a diplomatic manner. It is in our strategic interest to remain in everyone’s good graces,” diin ni Binay.

Ikinagulat naman ni dating Labor Undersecretary at OFW advocate Susan Ople at iba pang stakeholder ang maagang deployment ban na inilabas ng DOLE sa Qatar para mapag-aralan ang sitwasyon. “It is usually the other way around,” aniya.

Idiniin niya na maaaring makasama pa ito sa mga OFW sa Qatar. “On the second day of the diplomatic row, we were the first and only labor-sending country that suspended the deployment of its workers to Qatar. That makes us pretty memorable,” ani Ople.

Sinabi ni Ople na hindi sangkot sa diplomatic crisis ang mga dayuhang manggagawa sa Qatar kaya’t dapat na magpokus sa trabaho ang mga OFW at iwasang magpaskil ng anumang mensahe, partikular sa social media, upang hindi mapagkamalang may kaugnayan sa pulitika.

“No one else is more knowledgeable about the prevailing conditions in Qatar other than our own OFWs who have been quietly living and working there for several years.”

Pinayuhan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga OFW sa Qatar na manatiling kalmado at maging mapagmatyag.

“We also urge and pray that our OFWs will be always vigilant and always stay away from false and violent ideologies, denounce anything and anyone which propagates hate and destruction,” wika ni Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP Migrants Ministry. (BEN R. ROSARIO, HANNAH L. TORREGOZA, BELLA GAMOTEA at MARY ANN SANTIAGO)