NAGPASYA ang French Embassy sa Manila na kanselahin ang red carpet opening night ng 22nd French Film Festival na nakatakda sana ngayong gabi para sa seguridad ng nakararami.

Ipinahayag ang kanselasyon ng opening ceremony ng French film festival ilang araw pagkaraan ng madugong pag-atake sa isang sikat na casino and entertainment hub sa Pasay City.

Ayon sa French embassy, ito ang napagpasyahan sa payo na rin ng partners and sponsors ng film festival.

Nakatakda sanang gaganapin ang opening ceremony ng festival sa Central Square sa Bonifacio Global City, Taguig ngayong 6:00 ng gabi.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Sinabi ng management ng Bonifacio Global City na ito ay bilang “extra safety precautions” dahil sa mga pangyayari nitong mga nakaraang araw at iniiwasan na rin nila ang pagdaos ng malalaking event. 

“We are therefore recommending not to push through with the opening ceremony of the festival on June 8, but to continue with the regular screenings (without an opening event),” saad sa pahayag.

Inihayag ng French embassy na tuloy ang public screenings mula Hunyo 9 hanggang 17 sa mga sinehan sa Greenbelt 3 at Bonifacio High Street para sa kasiyahan ng French movie fans.

Nitong nakaraang linggo, nilusob ng isang Jessie Carlos, dating empleyado ng Department of Finance, ang Resorts World Manila. Nagpaputok siya ng baril at sinunog ang ilang gambling table, slot machine, hotel hallway, at nagpakamatay kalaunan.

May namatay na 37 katao sa loob ng hotel nang hindi makahinga dahil sa makapal na usok. (ROY C. MABASA)