Sasampahan ngayong Huwebes ng kaukulang kaso ang dalawang umano’y tagasuporta ng Islamic State matapos na maaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa Maguindanao.

Ayon sa report na natanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald Dela Rosa mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nakilala ang mga nadakip na sina Kamarodin Butukan Rajab, at Akmad Ginta Acob, habang tinutugis pa ang nakatakas na kasamahan ng mga ito na si Iskak Mohammad.

Sinabi ng CIDG-Maguindanao na dakong 5:00 ng umaga nitong Martes nang nadakip ang mga suspek sa pagsalakay sa Sitio Nabilan sa Barangay Dimapatoy, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Ayon kay Capt. Arvin Encinas, hepe ng Public Affairs Office ng 6th Infantry (Kampilan) Division, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng 5th Special Forces Battalion, 19th Infantry Battalion, 6th Military Intelligence Battalion at CIDG-Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang kuta ng mga suspek.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Nasamsam sa mga ito ang isang Belgian FAL, isang Barret sniper rifle, dalawang M-16 armalite, isa pa na may nakakabit na M203 grenade launcher, isang M653 na may scope, isang AK-47 assault rifle, isang M2 carbine, dalawang shotgun, isang .45 caliber pistol, apat na improvised explosive device I(IED), isang rifle grenade, daan-daang bala at isang bandila ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). (FER TABOY at LEO DIAZ)