MARAWI CITY, Lanao del Sur (AFP) – Kumpleto sa mga bomb-proof tunnel kahit hanggang sa loob ng mga mosque, pagkakaroon ng human shields at pagiging kabisado ang pasikut-sikot sa Marawi City, pinatunayan ng Maute Groyp na hindi sila pipitsuging kalaban gaya ng inakala ng militar.

Dalawang linggo na ang nakalipas makaraang salakayin ng mga lalaking nagwawagayway ng mga bandila ng Islamic State (IS) ang Marawi, kaagad na tinaya ng mga awtoridad na malilipol nila ang grupo sa loob ng ilang araw.

“The advantage of the (enemy) is their mastery of the terrain. They know where even the smallest alleys lead to and they are free to go around,” sabi ni Major Rowan Rimas, operations officer ng Philippine Marines. “They know where the government forces are coming from and where they are taking cover. They have snipers and their positions are well-defended.”

NANGGULAT

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Inamin naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sa simula ng bakbakan ay nagulat ang militar nang maglabasan sa lansangan ng siyudad ang napakaraming terorista kasunod ng bigong pagdakip sa isa sa mga pinuno nila—ang top leader ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon.

Sinilaban ng grupo ang ilang establisimyento, tinangay ang daan-daang sibilyan bilang mga bihag, pinasok, pinagnakawan at pinalaya ang mga nakapiit sa isang bilangguan, at winasak ang maraming gusali.

Sa unang taya ng militar, nasa 100 lamang ang mga kaaway, ngunit sinabi nila kalaunan na aabot na ang mga ito sa 500, kasama na ang mga dayuhang mandirigma mula sa Chechnya, Saudi Arabia, at Yemen.

Nakagugulat din ang saganang supply ng armas at mga bala ng Maute, kabilang ang mga rocket-propelled grenade at matataas na kalibre ng baril.

Sinabi naman nitong Lunes ni Lt. Col. Jo-ar Herrera sa Agencé France Presse na maraming tunnel at basement ang nasa 10 porsiyento ng siyudad na kontrolado pa rin ng Maute. Ang nasabing mga tunnel ay hindi tinatablan ng hanggang 500-pound (227-kilo) na bomba, ayon kay Herrera.

“Even mosques here have tunnels,” sabi ni Herrera, idinagdag na ginagamit ng mga terorista ang mga tunnel upang makatakas sa mga pambobomba, at dito rin itinatago ang matataas na kalibre ng mga armas.

“These are all part of the dynamics of the battlefield that makes it more difficult for us,” pag-amin ni Herrera.

MAS MALAKING PAG-ATAKE

Sinabi naman kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na isang malawakang plano “[to] wreak havoc and spread terror” sa Marawi ang orihinal na plano ng Maute, ngunit napigilan ito.

“We have been saying all along that there was a bigger plan. There was indeed a bigger plan and it was sought—it was supposed to wreak more havoc,” sinabi ni Padilla sa ‘Mindanao Hour’ briefing sa Malacañang, batay sa mga materyales at dokumentong nasamsam sa kuta ng mga terorista.

“So thank God we have been able to prevent that from happening on a bigger scale and we really are working to liberate Marawi quicker as the days go on,” ani Padilla. “We do not want this to drag on and we would like to bring back Marawi to its previous state.”

Kinumpirma rin ng militar na sa kasalukuyan ay nasa 134 na miyembro ng Maute na ang napapatay, 39 sa panig ng militar at pulisya, at 20 sibilyan.

May kabuuang 1,545 sibilyan na rin ang na-rescue sa Marawi, ayon kay Padilla.

(May ulat nina Genalyn D. Kabiling at Francis T. Wakefield)