Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na maayos nitong ginagampanan ang tungkulin upang maipagkaloob ang mga pangangailangan ng umaabot sa 70,000 kataong lumikas para takasan ang labanan sa Marawi City, Lanao del Sur.

Karamihan sa mga residenteng umalis sa kani-kanilang tahanan sa Marawi City ay nagkanlong sa mga katabing probinsiya ng Misamis Oriental at Lanao del Norte makaraang sumalakay sa siyudad ang Maute Group nitong Mayo 23.

Sa report kay DILG Officer-in-Charge (OIC) Catalino S. Cuy, sinabi ni DILG Northern Mindanao Regional Director Arnel M. Agabe na mayroong 36,423 evacuees sa Lanao del Norte, 25,506 sa Iligan City, 4,761 sa Cagayan de Oro City, 1,320 sa Bukidnon, 1,652 sa Misamis Oriental, at 109 sa Misamis Occidental.

Sa Iligan City, na halos 38 kilometro ang distansiya sa Marawi City, itinayo ang Regional Command Coordinating Center (RCCC) sa Barangay Tomas Cabili Multi-Purpose Gymnasium upang maitala ang mga evacuee, ma-monitor at mai-coordinate ang relief efforts, at masiguro ang kapakanan ng mga bakwit.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ang RCCC ay pinamamahalaan ng Office of Civil Defense (OCD).

Tiniyak ni Agabe na mayroong sapat na supply ng pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan ang mga evacuee sa Lanao del Norte dahil tuluy-tuloy ang pagdating ng mga donasyon at suporta mula sa iba’t ibang lugar.

(Chito A. Chavez)