NANINIWALA ako na pagkasugapa sa sugal ang isa sa mabigat na dahilan ng trahedya na ikinamatay ng 37 katao sa Resorts World Manila kamakailan. Bagamat inuugat pa ang masasalimuot na detalye sa kahindik-hindik na pamamaslang ng isang nakilalang Jessie Carlos, lumilitaw na ang sinasabing salarin ay matagal nang nalululong sa sugal. Katunayan, isa siya sa daan-daang sugarol na pinagbawalan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na makapasok sa lahat ng casino na pinamamahalaan nito.
Hindi dapat panghimasukan ang kabi-kabilang imbestigasyon upang matiyak ang tunay na dahilan at kung sinu-sino ang dapat managot sa naturang trahedya. Manapa, nais ko lamang bigyang-diin na ang pagkasugapa ng sinuman sa alinmang bisyo ay pananagutan ng mismong mga sugapa. Ibig sabihin, sila – at wala nang iba ang dapat sisihin sa lahat ng kanilang ginawa.
Totoong mahirap puksain o paglabanan ang pagkasugapa. Ang isang nalulong sa sugal, halimbawa, ay mananatiling isang sugarol kahit na sila ay pagbawalang pumasok sa mga casino; tiyak na sila ay hahanap ng sugalan kahit na sa mga kapitbahay. Ang isang sabungero ay kontento na sa pagpusta sa isang tupada kahit na ang ganitong sabungan ay ipinagbabawal din ng batas.
Ang isa namang sugapa sa paninigarilyo ay mananatiling humihithit ng nakalalasong usok kahit na alam nilang ito ay nagiging dahilan ng iba’t ibang sakit na tulad ng lung cancer at emphysema. Hindi sila maawat sa naturang bisyo kahit na ipamukha pa natin na ang walang habas na paninigarilyo ay mistulang pagpapatiwakal.
Gayundin ang mga sugapa sa pandarambong ng pondo ng bayan na walang kinatatakutang mga batas. Pinapanginoon nila ang kapangyarihan ng salapi na hindi nila pinagpaguran. Balewala sa kanila kung sila man ay mahatulan sa pangungulimbat – at mabilanggo mapagbigyan lamang ang kanilang pagkagahaman. Hindi iilan ang mga pulitiko at mga lingkod ng bayan ang nasadlak sa ganitong kasumpa-sumpang pagkasugapa.
Maging ang pagkasugapa sa pulitika ay nakatahi na sa balat, wika nga, ng mga naging alipin ng masamang sistemang pampulitika. Hindi alintana ng mga lulong sa pamumulitika kung sila man ay nasasangkot sa madugong pulitika.
Karaniwan nang pangyayari ang paglalabu-labo ng mga magkakamag-anak sa larangan ng pulitika na malimit magbunga ng pagdanak ng dugo.
Anupa’t tulad ng lagi nating sinasabi, ang pagkasugapa ng sinuman ay masusugpo lamang ng mismong alipin ng masamang bisyo; at sila lamang ang dapat sisihin sa mga pinsala ng kanilang pagkasugapa. (Celo Lagmay)