NAGTATAKA pa ba kayo kung bakit ang gulo ng sitwasyon sa mga lansangan?

Nakalilito ang mga directional sign, kupas-kupas ang mga speed limit sign, maging ang mga lokal na ordinansa ay salungat sa mga nakasaad sa sign post ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kadalasang pinag-uugatan ng mga aksidente.

Puno ng kontrabida ang Pilipinas. At mas marami sila kaysa matitino ang pag-iisip.

Mantakin n’yo, lantarang kinokontra ng ilang lokal na pamahalaan ang batas na ipinasa ng Kongreso matapos na matagal na pagdebatehan at pag-isipan ang mga ito.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Bigla na lang mababalewala dahil sa pagmamagaling ng mga lokal na opisyal.

Isang matinding halimbawa dito ang umiiral na Helmet Law.

Inaprubahan ng Kongreso bilang batas noong Marso 2010, ito ay kilala ngayon bilang “Motorcycle Helmet Act of 2009.”

Sinimulan itong ipatupad ng Enero 2013 matapos ang ilang buwang pagkakaantala bunsod ng ilang kritikal na isyu na may kaugnayan dito, kabilang na sa usapin ng PS at ICC certification.

Itinakda ng noo’y Department of Transportation and Communication (DoTC) ang multa na ipapataw sa mga lalabag sa P1,000 (first offense), P3,000 (2nd offense), P5,000 (3rd offense) at P10,000 na may kasabay na pagkumpiska sa driver’s license (4th offense)

Ang Land Transportation Office (LTO) ang inatasan ng DoTC na magpatupad nito, saklaw ng batas ang buong bansa.

Fast forward tayo sa 2017.

Alam n’yo ba na dumarami na ang mga lokal na pamahalaan na nagpapasa ng ordinansa na nagbabawal sa pagsusuot ng motorcycle helmet o balaclava na tumatakip sa mukha ng rider na dumaraan sa kanilang lugar?

Kamakailan, naging viral din sa social media ang isang memorandum order ng lokal na pamahalaan ng Morong, Rizal, na may ganitong kautusan na ipinagtataka ng mga rider.

Bukod dito, ganito rin ang ipinaiiral sa ilang bayan sa Laguna at maging sa Vigan City sa norte.

Hindi tatagal at malamang ay maraming local government unit ang magpapatupad din ng ganitong kautusan.

Ang dahilan ng mga lokal na opisyal: Upang hindi mamayagpag ang mga kriminal sa kanilang lugar.

Oo nga’t andyan na tayo. Sino ba naman ang may gustong may aali-aligid na hitman sa kanilang komunidad?

Subalit ano naman kaya ang kahihinatnan ng kampanya ng pamahalaan sa usapin ng road safety?

Batid na ng lahat na ang pangunahing ikinamamatay ng mga rider na naaaksidente ay ang pagkabagok ng ulo. Ano na ngayon ang kanilang proteksiyon?

Ano ba talaga kuya?! (ARIS R. ILAGAN)