Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena, Pasig)
10 n.u. – Zark’s Burger vs Racal Motors
12 n.t. - Marinerong Pilipino vs Cignal HD
SA kasagsagan ng marathon schedule sa 2017 PBA D-League Foundation Cup, umaasa si Cignal HD coach Boyet Fernandez na mahahasa ng koponan ang katangian ng isang kampeon.
“We just have to be ready every game. May mga ginagawa pa rin kami na di magandang behavior, kaya dapat na matutunan na makaiwas sa naturang kamalian,” pahayag ni Fernandez.
Masusubukang muli ni Fernandez ang antas ng karakter ng Hawkeyes sa pagsabak kontra Marinerong Pilipino ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Ipinag-aalala ni Fernandez ang posibilidad na may mangyari muling hindi inaasahan gaya ng pagkakapatalsik sa labas ng court kay Mark Bringas sa nakaraang laban nila sa Zark’s Burger na nagresulta sa pagkakaroon ng butas sa kanilang front court.
Mabuti na lamang at mayroon silang isang Raymar Jose upang ihatid ang Hawkeyes sa 107-69 panalo kontra Jawbreakers.
“Kung mag-rereact kami palagi, magkakaproblema kami. We just need to stick with our system,” ani Fernandez na umaasang hindi na mauulit ang ganung sitwasyon.
Tatangkain naman ng Marinerong Pilipino na bumawi sa natamong 82-92 kabiguan sa kamay ng Batangas sa pangunguna nina Mark Isip, Julian Sargent, at Achie Iñigo. (Marivic Awitan)