SA kasagsagan ng lalong umiigting na opensiba ng militar sa Mindanao upang lipulin ang nauugnay sa Islamic State na Maute Group, inaasahan nating hindi nalilimutan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nauna nitong kampanya laban sa isa pang armadong grupo sa Mindanao—ang Abu Sayyaf.
Sa pagsisimula ng taong ito, binigyan ni Pangulong Duterte ang AFP ng anim na buwan upang durugin ang Abu Sayyaf. Ang palugit ay sa Hunyo 30, 2017.
Itinakda ang deadline matapos na dukutin ng Abu Sayyaf ang German na may-ari ng yate na si Jurgen Kantner habang naglalayag kasama ang asawa nito sa karagatan ng Sulu noong Nobyembre ng nakaraang taon. Pinatay nila ang kanyang asawa at inabandona ang bangkay nito sa yate, bago siya tinangay at ilang buwang binihag. Pagkatapos, nagtakda sila ng deadline para sa pagbabayad ng ransom at nang lumampas na ang palugit noong Pebrero 26, pinugutan nila si Kantner.
Siya ang huli sa ilang bihag na pinaslang ng Abu Sayyaf sa nakalipas na mga taon, kabilang ang dalawang Canadian na dinukot ng grupo sa Davao Gulf noong 2015. Sinasabing mahigit 20 pang dayuhan mula sa iba-ibang bansa ang nananatiling bihag ng Abu Sayyaf.
Noong nakaraang buwan, sinabi ni AFP Western Mindanao Command chief, Lt. Gen. Carlito Galvez, Jr. na nasa 81 miyembro ng Abu Sayyaf na ang napapatay ng tropa ng gobyerno sa Sulu simula noong Enero. Binanggit niya ang suporta ng mga lokal na opisyal, gayundin mula sa Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front. “With both lethal and non-lethal approaches,” aniya, “it will be just a matter of time that we will defeat the entire group.”
Gayunman, matapos ang positibong situation report na ito noong Abril, pinakilos na ang Sandatahang Lakas para sa isang malawakang pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao makaraang salakayin ng Maute Group, na suportado ng mga mandirigma ng Islamic State mula sa iba’t ibang bansa, ang Marawi City nitong Mayo 23. Maliwanag na nakuha ng batas militar ang buong atensiyon ng Sandatahang Lakas, at nakita naman nating maayos nilang nakokontrol ang sitwasyon.
Ngayong 22 araw na lamang ang nalalabi bago ang palugit na ibinigay sa kanila ni Pangulong Duterte, maaari na marahil nilang pagsama-samahin ang kanilang mga pagsisikap para sa isang pinal na operasyon na lilipol sa isang grupo ng mga bandido na matagal nang hinahamon ang kapangyarihan ng mga awtoridad, at nagdulot ng matinding kahihiyan para sa bansa sa pamumugot nito sa mga dayuhang bihag.