Patay ang isang motorcycle rider habang lima ang sugatan sa karambola ng apat na sasakyan sa Quezon City, nitong Miyerkules ng madaling araw.

Sinabi kahapon ng awtoridad na isang jeep, van, dump truck at motorsiklo ang nasangkot sa aksidente sa kahabaan ng Payatas Road, malapit sa Matapang Street sa Barangay Payatas, dakong 5:30 ng madaling araw.

Kinilala ang namatay na biktima na si Carlos Arca, 39, ng Litex Road, Quezon City. Sugatan naman ang iba pang driver na sina Jesus Eser, 60; Jesus Guerrero Jr., 38; Roberto Tapang, 40; at pedestrian na sina Ely Nidea, 44, at Jostino Lauraya, 47.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City traffic police, binabaybay ng apat na sasakyan ang Payatas Road mula sa Montalban, Rizal nang mawalan ng preno ang minamanehong truck ni Tapang.

National

Palasyo, nag-react sa sinabi ni Revilla na walang due process pag-aresto sa kaniya

Bumangga ang truck sa van ni Guerrero hanggang sa nadamay sina Arca at Nidea. Nabundol si Nidea ng motorsiklo habang si Arca, dahil sa lakas ng pagkakasalpok, ay tumilapon at nabagok.

Sinabi ng pulis na nagpatuloy sa pag-andar ang truck hanggang sa bumangga sa jeep na minamaneho ni Eser na ang konduktor ay si Lauraya.

Isinugod pa sa Gen. Malvar Hospital si Arca ngunit hindi na umabot nang buhay sa tindi ng pinsala sa katawan.

Ang iba naman ay isinugod sa East Avenue Medical Center, ayon sa awtoridad.

Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente. (Vanne Elaine P. Terrazola)