TULUY-TULOY na napagbubuti ng Pilipinas ang bilis ng mobile Internet connection nito, at nakaaagapay sa matinding pangangailangan sa broadband Internet sa bansa.
Nakapagtala ang Pilipinas ng 20 porsiyentong pagtaas sa average connection speed sa unang tatlong buwan ng 2017, at kasama ang Thailand at China ay nangunguna sa Asia Pacific region batay sa State of the Internet Q12017 report ng AKAMAI.
Ayon sa AKAMAI, ang pangunahing content delivery network services provider para sa media, ang pangkaraniwang bilis ng Internet connection ng bansa sa unang tatlong buwan ng 2017 ay nasa 5.5 megabits per second (Mbps)—tumaas ng 20 porsiyento sa quarter on quarter (QoQ), at 57 porsiyento naman sa year on year (YoY). Pinatutunayan nitong tuluy-tuloy na bumubuti ang average mobile connection speed sa Pilipinas.
Sa nakalipas na tatlong quarter ng 2016, o mula Abril hanggang Disyembre, natukoy ng AKAMAI State of the Internet Report ang tuluy-tuloy na pagbuti ng average mobile connection speed sa Pilipinas.
Sa ikalawang quarter ng 2016, ang average mobile connection speed sa bansa ay naitala ng AKAMAI sa 8.5Mbps. Sa ikatlong quarter ng kaparehong taon, iniulat ng outfit na ang average mobile connection speed ng bansa ay umabot na sa 13.9Mbps.
Iniulat ng AKAMAI na ang bilis ng mobile internet sa Pilipinas ay naitala sa 14.3Mbps sa ikaapat na quarter, o sa huling tatlong buwan ng 2016.
Una nang inihayag ng National Telecommunications Commission na ang pagbilis ng mobile Internet speed ay bunsod ng pagpapakalat ng Globe at Smart ng mga Long Term Evolution cell site sa iba’t ibang panig ng bansa gamit ang 700 megahertz (MHz) frequency spectrum na nabili nito mula sa telco assets ng San Miguel Corporation noong nakaraang taon.
“Although the Philippines has the lowest ranking among Asia Pacific countries/regions for this metric, as well as some of the broadband adoption metrics, first quarter announcements suggest it may see improvements to its infrastructure in coming years, as Philippine President Duterte approved a plan to deploy a national broadband network at an estimated cost of USD 1.5 billion to USD 4.0 billion (P77 bilyon-P200 bilyon),” saad sa report ng AKAMAI.
“The network will be used to host a national portal and other online government services, as well as to connect remote areas of the country that are underserved by existing broadband providers. Deployment could begin as early as June, with a three- to five-year timeline for completion,” bahagi pa rin ng ulat. (PNA)