DAVAO CITY – Inaresto ang ilang miyembro ng teroristang Maute Group, kabilang ang 67-anyos na ama ng Maute Brothers at umano’y pangunahing leader ng grupo na si Cayamora Maute, sa checkpoint ng Task Force Davao sa Sirawan, Toril bandang 10:00 ng umaga kahapon.

Kinilala ng pulisya ang mga kasamang naaresto ni Cayamora na sina Kongan Alfonso Balawag, ikalawang asawa ng top leader; Norjannah Balawag Maute at umano’y partner nitong si Benzarali Tingao; at ang driver na si Aljon Salazar Ismael.

Sa isang press conference, sinabi ni Brig. Gen. Gilbert Gapay, martial law spokesperson ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom), na mismong si Cayamora ang nagkumpirma sa kanyang pagkakakilanlan bilang ama ng Maute Brothers.

Sakay ang lima sa isang itim na Toyota Grandia at patungong Davao City para sa medical check-up ni Cayamora.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa mga awtoridad, nasilip nila sa van ang isang kahina-hinalang matandang lalaki na nakabalot ng kumot ang katawan at bahagyang natatakpan ang mukha sa pagkakahiga sa passenger seat.

Sinabi ni Gapay na malaki ang hawig ng matanda sa pangunahing leader ng Maute, kaya naman kaagad nilang dinakip ang grupo at dinala sa himpilan ng Davao City Police Office (DCPO) para imbestigahan.

Aniya, narekober kay Cayamora ang ilang ID na may iba’t ibang pangalan, hanggang sa kumpirmahin umano ni Cayamora ang sariling pagkakakilanlan sa interogasyon ng pulisya.

Dagdag ni Gapay, kakasuhan ng rebelyon si Cayamora habang sasampahan naman si Kongan ng paglabag sa Presidential Decree 1866, sa pag-iingat ng blasting caps at triggering devices.

UTAK NG MAUTE

Sinabi ni Police Regional Office (PRO)-11 Director Supt. Manuel Gaerlan na isang malaking dagok sa Maute ang pagkakadakip ni Cayamora dahil itinuturing itong utak ng grupo.

Ayon kay Gaerlan, may arrest warrant din para sa 89 na iba pang miyembro ng Maute, kabilang si Cayamora, para sa limang kaso ng kidnapping at serious illegal detention sa Lanao del Sur.

Samantala, sa panayam ng mga mamamahayag ay itinanggi ng driver na si Salazar na may kinalaman siya sa Maute, sinabing sinundo lamang niya sa isang hotel sa Cotabato sina Norjannah at Tingao.

OMAR MAUTE NAPATAY NA?

Kasabay nito, kinukumpirma naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung totoong namatay sa opensiba ng militar sa Marawi ang isa sa magkapatid na leader ng Maute, anak ni Cayamora, na si Omar Maute.

“Iyong si Omar, mayroon tayong report na namatay na doon sa isang pag-strike natin, pero kailangan pa nating ma-validate ito,” sabi ni AFP chief of staff General Eduardo Año.

Ayon kay Año, si Omar, na kapatid na Abdulllah, ay kabilang sa may 100 terorista na nananatili sa Marawi, kasama ang leader ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon.

RESCUE OPS SA MGA BIHAG

Iniulat din na naniniwala ang militar na maaaring bihag pa rin ng Maute si Fr. Chito Suganob, na kasamang dinukot ng mga terorista sa sinilaban ng mga ito na St. Mary’s Cathedral nitong Mayo 23.

“Mayroon tayong mga espesyal tasking na ibinigay dito, at isa sa ating mga espesyal na elite units para kung magkaroon tayo ng anumang indikasyon ng presence ni Fr. Chito, gagawin namin ang agarang rescue operation,” sabi ni Año.

Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes na dadagdagan niya ng P10 milyon ang patong sa ulo para sa neutralization ni Hapilon, habang tig-P5 milyon naman sa magkapatid na Maute. (ANTONIO COLINA IV at FER TABOY)