Magpupulong bukas, Hunyo 8, ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang mga may-ari ng hotel at restaurant sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, layunin ng pagpupulong na talakayin ang mga patakaran sa pagpapatupad ng security measures para sa kaligtasan ng kanilang mga customer at upang hindi na maulit pa ang nangyari sa Resorts World Manila (RWM).
Naniniwala ang pinuno ng MMDA na may pagkukulang sa security measures ng inatakeng casino na ikinasawi ng 37 bisita at empleyado ng hotel-casino.
Nais din idulog ni Lim sa mga miyembro ng Hotel and Restaurant Association of the Philippines kung paano reresolbahin ang problema sa pagpaparada ng sasakyan ng kanilang mga kliyente na malimit humantong sa illegal parking.
(Bella Gamotea)