Arestado ang pekeng eye doctor sa Quezon City nitong Lunes ng hapon.

Inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District’s Special Operations Unit (DSOU) si Amando Duyo Jr., 69, dahil sa umano’y pagpapatakbo ng eye clinic nang walang lisensiya bilang optometrist.

Nadakma siya sa entrapment operation sa kanyang clinic sa 15th Avenue, Cubao, bandang 4:00 ng hapon kamakalawa.

Una rito, noong Mayo 26, naglunsad ng entrapment operation ang DSOU laban kay Duyo matapos nilang makatanggap ng tip tungkol sa kanyang aktibidad sa kabila ng pagiging hindi lisensiyadong eye doctor.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Upang makumpirma, agad nagpadala ng mga operatiba noong araw ding iyon. Isang pulis ang nagpanggap na pasyente na naiulat na sinuri ni Duyo at inabisuhang palitan ang kanyang salamin. Inalok din umano ng doktor ang pasyente ng iba’t ibang klase ng salamin sa mata.

Dito na humingi ng tulong ang DSOU sa Professional Regulatory Commission (PRC) upang i-verify ang record ni Duyo. At nitong Hunyo 2, pinadalhan sila ng PRC ng certification na wala ang pangalan ni Duyo sa listahan ng mga lisensiyadong optometrist.

Noong araw ding iyon nadiskubre ng awtoridad na ang walang business permit ang klinika ni Duyo, ang Gilbuena Duyo Optical Clinic.

Noong Hunyo 3, bumalik ang pulis sa klinika ng suspek at nag-deposit ng P500 para sa bago niyang eyeglasses. Ipinangako niya kay Duyo na babayaran ang balanseng P1,000 kinabukasan.

Walang kamalay-malay si Duyo na aarestuhin siya noong Lunes, nang tanggapin niya ang P1,000 marked money mula sa poseur-buyer.

Nadiskubre ng DSOU na noong 2011 pa nagsimulang mangbiktima ang klinika ni Duyo.

Kinumpiska ng mga pulis ang eye examination machine, ilang lense at salamin, maging ang mga record ng pasyente at iba pang clinic documents ni Duyo.

Nakatakdang kasuhan si Duyo sa panunuba at unauthorized practice of optometry sa ilalim ng RA 8050 o ang “Revised Optometry Law of 1995.” (Vanne Elaine P. Terrazola)