Kasabay ng pagsisimula ng pagbabalik-eskuwela nitong Lunes, isang guro at dalawa niyang estudyante ang inaresto ng pulisya sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Barangay San Rafael sa Isabela City, Basilan.

Ayon sa report ng Isabela City Police Office (ICPO), kinilala ang nadakip na si Dionisito Boco, 43 anyos, at nagtuturo sa Concepcion National High School sa bayan ng Lantawan.

Nabatid na tinangka pa umanong tumakas ng guro pero naaresto rin siya sa loob ng kanyang bahay, at narekober umano mula sa kanya ang P500 marked money at drug paraphernalia.

Sa hiwalay na operasyon sa naturang lugar, naaresto naman ng pulisya ang dalawang menor de edad na estudyante.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Napaulat na kinumpirma rin ng pulisya na kasamahan ni Boco sa ilegal na transaksiyon ng droga ang dalawang menor de edad, at sa guro pa umano kumukuha ng droga ang dalawa.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang Department of Education (DepEd) sa Basilan sa pagkakaaresto sa guro, na nagre-recruit pa ng mga estudyante sa kanyang ilegal na gawain bukod sa kabataan din umano ang mga binebentahan ng droga.

(FER TABOY)