KUNG si US President Donald Trump ay may “covfefe”, si President Rodrigo Roa Duterte naman ay may “I will kill you.” Ang dalawang pangulo ay kapwa may karahasang magsalita, hindi inaalintana kung ano ang magiging bunga ng mga pahayag.

Dahil dito, sila ay madalas daw ma-misquote ng media kaya galit sila sa mga ito. Si Trump ay ‘di miminsang nagpahayag ng galit sa CNN, The New York Times atbp. Binabanatan din ni PDu30 ang ilang media outift, gaya ng The Inquirer at ABS-CBN-Ch 2.

Naging palasak ang salitang “covfefe” ni Trump nang i-post niya ito sa kanyang Twitter. Hindi malaman ng mga tao kung ano ang ibig niyang sabihin sa covfefe. Wala ito sa Mierriam-Webster Dictionary at wala rin sa Wikipedia. Bandang huli, inanalisa at sinuri ang covfefe, at sabi ng mga eksperto, maaari raw ang kahulugan nito ay “media coverage” na naging “covfefe”. “It fits nearly into the phrase “negative media coverage.”

Samantala, ang mga salitang “I will kill you” ay bukambibig ni Mano Digong sa halos lahat ng okasyon na dinaluhan niya maging sa ibang bansa (sa harap ng Filipino community) at sa piling ng mga sundalo, pulis at ordinaryong tao.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Marami ang natatakot sa “I will kill you” ni Pres. Rody kaya pati mga kongresista at senador, lalo na iyong mga lalaki, ay “urong ang mga bayag”, takot kumontra sa kanya. Gayunman, hindi inaamin ni PRRD na siya ay pumatay ng tao.

Ang katwiran niya, utos niya sa mga pulis na barilin at patayin ang mga drug addict at user kapag nanlaban. Eh, ano iyon?

Parang totoo ang pahayag ng ating Pangulo na nakapasok na sa Pilipinas ang ISIS na maghahagis ng lagim, karahasan at kamatayan, lalo na sa Mindanao. Layunin ng IS (Islamic State) na magtatag ng Caliphate sa buong mundo, at pinili nila ang Katimugan para roon magtayo ng caliphate dahil maraming Muslim.

Sa isang international security forum sa Singapore, ibinunyag ni Indonesian Defence Minister Ryamizard Ryacudu na kabilang sa 1,200 IS militants na nakapuslit sa Mindanao ay mula sa Indonesia, Yemen, Saudi Arabia, Chechnya, Malaysia, atbp. Tnawag ni Ryacudu ang IS militants bilang “killing machines. Nanawagan siya sa pagkakaroon ng “full-scale regional cooperation” laban sa mga terorista.

Parang hindi bilib sina Speaker Pantaleon Alvarez at Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na ang pag-atake sa Resorts World Manila (RWM) ay kagagawan ng isang lalaking lulong sa sugal, may utang na P4 milyon, hiwalay sa asawa at desperado. Para kay Alvarez, maaaring ang gunman ay isang “lone wolf” na naghahasik ng lagim bunsod ng terorismo.

Nais namang imbestigahan ni Aguirre ng NBI ang naganap sa RWM sapagkat baka ito ay isang uri ng terorismo. Ayaw pa ba ninyong maniwala gayong ang mga magulang at asawa mismo ni Jessie Javier Carlos, ang gunman, ang kumilala sa kanya.

Kungsabagay, ang “lone wolf” theory ni Speaker Alvarez ay nangyayari sa maraming panig ng mundo. Ang pinakahuli ay naganap sa London Bridge na isang lalaki ang gumamit ng van para sagasaan ang mga pedestrian. Una rito, inatake ang concert ni Ariana Grande sa Manchester, England, na ikinamatay (hindi ikinasawi) ng maraming tao, kabilang ang kabataan.

May martial law na sa Mindanao. Malimit sabihin ni PDu30 na huwag siyang piliting ideklara ang martial law doon dahil siya ay magiging marahas at malupit sa mga terorista, Abu Sayyaf, BIFF at iba pang elementong kriminal. Mr. President, tuparin mo na sana ang pangako mong “I will finish the problems in Mindanao.” Anyway, mga terorista naman sila, bandido, walang budhing nilalang na kampon ni Satanas na pumapatay ng mga sibilyan! (Bert de Guzman)