Bill copy

Sinabi ng unang saksi sa sexual assault trial ni Bill Cosby nitong Lunes na drinoga siya ng komedyante bago pagsamantalahan noong 1998 - ang kaparehong paraan na ayon sa prosecutors ay ginamit ng defendant sa diumano’y 2004 attack na kasalukuyang nililitis.

Inaakusahan si Cosby, noo’y isa sa pinakaminamahal na entertainer sa United States, na sa parehong pagkakataon ay inimbitahan ang babaeng biktima na dumalaw sa kanya para sa career advice, aalukin ito ng pills na aniya ay magpapakalma sa babae at pagkatapos ay hahalayin sa sandaling natuliro na sa epekto ng droga.

Kinasuhan ang 79-year-old entertainer ng pangmomolestiya kay Andrea Constand, empleyado sa kanyang alma mater na Temple University, sa bahay niya sa Philadelphia noong 2004.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Isa lamang si Constand sa maraming babae na nag-aakusa kay Cosby ng sex assault ngunit ang kanyang usapin ang natatanging kaso kamakailan na sapat upang makulong sa kasong kriminal si Cosby. Itinanggi ni Cosby ang lahat ng mga akusasyon, na naging dahilan ng pagbasak ng kanyang mahabang karera.

Inilarawan ng unang saksi sa paglilitis na si Kelly Johnson ang isang insidente na aniya ay nangyari sa hotel suite ni Cosby sa Los Angeles noong 1996. Layunin ng kanyang emosyonal na testimonya na kumbinsihin ang mga hurado na may pattern ang pag-uugali ni Cosby nang diumano’y pagsamantalahan nito si Constand noong 2004.

Umiiyak na sinabi ni Johnson, nang mga panahong iyon ay nagtatrabaho sa agent ni Cosby, na noong una ay itinago niya ang pill sa ilalim ng kanyang dila ngunit inalam ni Cosby kung nilunok niya ito. Nagising na lamang siya kalaunan na tuliro at katabi si Cosby sa kama at nakayakap mula sa likuran niya. Kasunod nito ay pinilit siya ng komedyante na hawakan ang maseselang parte ng katawan.

“I was trying to say something,” aniya. “I don’t know if I was actually speaking.”

Dumepensa ang abogado ni Cosby na si Brian McMonagle, na paiba-iba ang pahayag ni Johnson. Kabilang ang naunang testimonya na nangyari ang panghahalay noong 1990, at gumagamit ito ng droga, bagay na itinanggi ng testigo.

Inakusahan din ni McMonagle si Johnson na mayroong “selective amnesia” nang hindi niya maalala ang mga detalye ng kanyang mga salaysay o ang kanyang medical leave sa kanyang employer kasunod ng Cosby incident.

Si Cosby, dating kilala bilang “America’s dad” sa kanyang papel bilang Heathcliff Huxtable sa 1980s hit TV series na The Cosby Show, ay dumating sa korte kasama si Keshia Knight Pulliam, na gumanap bilang kanyang bunsong anak, ang pigtailed na Rudy Huxtable.

Hindi nakita sa korte nitong Lunes ang asawa at business manager niyang si Camille Cosby.

Gaya ni Johnson, tetestigo si Constand na sinabihan siya ni Cosby na ang ibinigay nitong pills ay magpapakalma sa kanya bago siya minolestiya, sinabi ni Assistant District Attorney Kristen Feden nitong Lunes.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni McMonagle na si Cosby ay biktima ng mga maling akusasyon. Ipinunto niya na ang mga naunang alegasyon ni Constand ay inimbestigahan noong 2005 at napatunayang hindi sapat nang mga panahong iyon.

“Today I get a chance, with your help, to right a wrong,” aniya sa mga hurado. (Reuters)