MAPAPANOOD na ang obra-maestra ni Lav Diaz na pinagbibidahan ni Charo Santos na Ang Babaeng Humayo sa Blockbuster Sundays ng Cinema One ngayong Linggo (June 11), 8 PM.
Sa ilalim ng produksyon ng Cinema One Originals at Sine Olivia Pilipinas, kauna-unahang pelikulang Pilipino ang Ang Babaeng Humayo na nakatanggap ng Golden Lion, ang pinakaprestihiyosong parangal sa Venice Film Festival. Ito ay kuwento ng paghihiganti ni Horacio (Charo) matapos mabilanggo ng ilang dekada dahil sa isang krimeng hindi niya ginawa.
Kasama niya sa pelikulang ito sina John Lloyd Cruz, Michael de Mesa, Nonie Buencamino, Shamaine Buencamino, Jean Judith Javier, Kakai Bautista, Mae Paner at Lao Rodriguez.
Pagkatapos maipalabas noong 2016, patuloy pa rin itong pinupuri ng international critics at nakatanggap pa ng mga nominasyon sa Asian Film Awards ngayong taon.
Kabilang sa mga nagbigay ng positibong review sa pelikula si Scout Tafoya ng RogerEbert.com na nagbigay-papuri sa inspirasyon, talento, at maging ang kontrol ni Lav sa pelikula sa kabila ng samu’t saring mga isyung tinalakay rito, katulad ng pamumuhay sa loob ng bilangguan, katiwalian, relihiyon, kahirapan, pamamaslang, at transgender identity.
Pinuri rin ito ni Kenji Fujishima ng PasteMagazine.com na sinabing malinaw ang pagkakagawa sa mga karakter at pagkakalatag ng tema hanggang sa dulo. Ayon pa sa kanya, sagana ito sa kwento at inihalintulad ito sa isang nobelang nakakapukaw ng damdamin.
Sumang-ayon dito si Oliver Scott sa review naman nito sa The New York Times at sinabing metikuloso at mahusay ang pagkakagawa ng Ang Babaeng Humayo. Aniya pa, hinahamon ng pelikula ang emosyon ng manonood.
Hinangaan din ang performance ni Charo bilang Horacia sa kanyang comeback film. Ayon sa review ni Joshua Brunsting ng Criterion Cast, nagawang dalhin ni Charo nang buo ang kuwento sa pamamagitan ng kanyang makatao at makatotohanang pagganap.
Kinilala rin si Charo ng ating mga kababayan at pinagkalooban siya ng Best Actress award ng Gawad Tanglaw at Gawad Pasado. Hinirang naman si Lav na Best Director sa 2017 Dublin International Film Festival para rin sa nasabing pelikula.
Huwag palampasin ang groundbreaking masterpiece na Ang Babaeng Humayo sa Cinema One ngayong Linggo.