Umaabot sa 1,300 bata sa Marawi City, Lanao del Sur ang nagpatala upang makapag-aral sa mga eskuwelahan sa labas ng siyudad na nasa gitna pa rin ng mga labanan, at hinihimok ng Department of Education (DepEd) ang iba pa na gawin din ito.

Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ang mga bata ay maaaring makapagpatala na walang dokumento, kabilang na ang transcript of records, galing sa kanilang mga paaralan sa Marawi City.

“Right now, we have 1,391 children from Marawi City who are now enrolled in our schools outside of Marawi City,” sabi niya sa press briefing sa Palasyo.

Sinabi ni Briones na ang mga estudyante mula sa Marawi ay nagpatala hanggang sa Tarlac dahil ang ibang bakwit ay nakikanlong sa bahay ng kanilang mga kamag-anak. Ang naturang bilang ay maliit na bahagi lamang ng 22,000 estudyante na naitala noon sa Marawi.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“We continue to encourage the families to enroll their children wherever they are in the nearest school,” sabi niya, at idinagdag na ang mga kinakailangang dokumento ay ipinagpaliban na muna.

Sinuspinde ang klase sa Marawi City dahil sa labanan ng mga sundalo ng pamahalaan at ng mga teroristang Maute.

Sinabi ni Briones na hinihintay pa ng education department ang advisory galing sa militar kung kailan maaari nang maghanda para sa pagbubukas ng mga eskuwelahan. “But the way things are, baka tatagal ‘yung clearing up operations even if mabawi na ang Marawi,” sabi niya.

Tiniyak ni Briones na ang mga eskuwelahan ay “zones of peace” at “neutral” sa kabila ng mainit na labanan sa Marawi City.

Samantala, umaabot sa 34 estudyante mula sa Marawi City ang iniulat na lumipat sa ilang paaralan sa Maynila.

Ayon kay Manila Schools Superintendent Dr. Wilfredo Cabral, kahit kulang ang mga dalang dokumento at requirements ay tinanggap na sa iba’t ibang paaralan sa Maynila ang naturang mga estudyante galing sa Marawi City ngunit nagpasyang lumipat at ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa Maynila.

Nabatid na kabilang sa mga paaralan na itinalaga para paglipatan ng mga estudyante mula Marawi, dahil malapit ang mga ito sa Islamic communities sa Maynila, ay ang Apolinario Mabini Elementary School sa Quiapo, Ramon Abasenia High School na malapit sa Malacañang, at Geronimo Santiago Elementary School. (Genalyn Kabiling at Mary Ann Santiago)