NAGBUNGA ang ipinamalas na galing at tapang ng komedyanteng si Wacky Kiray nang siya ang tanghaling Greatest Entertainer at nakakuha ng pinakamataas na pinagsamang puntos ng judges at text votes nitong nakaraang Linggo sa talent-variety show na I Can Do That ng ABS-CBN.

Pinahanga ni Wacky ang mga huradong sina Judy Ann Santos-Agoncillo at Boy Abunda pati na rin ang mga manonood na tumutok sa kanyang makapigil-hingingang wire balancing act, na umani ng total score na 93.75%. Nag-uwi si Wacky ng P1 million bilang premyo.

Naging madamdamin ang komedyante sa kanyang pagkapanalo at inialay ang kanyang tagumpay para sa kanyang pamilya at mga tagasuporta.

Naging second placer si Cristine Reyes na nakakuha ng 83.09% sa kanyang nakamamangha at mainit na fire dancing act at nag-uwi ng P300,000. Pinabilib naman ng actor-model na si Daniel Matsunaga ang lahat nang masungkit ang puwesto bilang third placer sa nakamit na total score na 47.81% sa kanyang aerial pole act at nag-uwi ng P200,000.

Tsika at Intriga

Andi Eigenmann, pinabayaan na raw ba talaga sarili niya?

Hindi rin nagpahuli si Gab Valenciano na nagpakita ng angking husay sa kanyang ring man dance act at ginawaran bilang fourth placer at nanalo ng ng P100,000 sa pagtala niya ng 44.44% ng total votes.

Dahil sa makapigil-hiningang performances, tinutukan ng mga manonood ang I Can Do That noong Sabado (June 3) at nagkamit ng national TV rating na 19.7%, kumpara sa katapat na palabas na Celebrity Bluff na nakakuha naman ng 12.9%, ayon sa data ng Kantar Media.

Sinubaybayan at sinuportahan din ng netizens ang iCandidates sa kanilang performances matapos maging trending topics online ang official hashtags ng palabas na #iCanDoThatBattleForGreatness at #iCanDoThatTheGreatestEntertainer sa Twitter makalikom ng libu-libong tweets.