Dinakma ang isang traffic cop, na sinasabing sangkot sa pangongotong, sa entrapment operation sa loob ng Quezon City Police District (QCPD) headquarters nitong Linggo ng gabi, iniulat kahapon.
Inaresto si Police Officer 3 Fernando Tanghay, traffic investigator, sa kanyang opisina sa Traffic Sector 3 sa Camp Karingal sa pagtanggap ng P7,000 sa entrapment, dakong 9:53 ng gabi kamakalawa.
Ayon kay QCPD director Guillermo Eleazar, isang Elmie Mones ang nag-tip sa kanila na kinokotongan siya ni Tanghay, bilang kapalit ng traffic incident report na ipapabor sa kanya.
Sangkot ang kamag-anak ni Mones sa karambola ng tatlong sasakyan sa CP Garcia Street, Barangay UP Campus noong Mayo 31. Dalawang pasahero ng kanilang Mitsubishi Adventure Wagon ang sugatan.
Si Tanghay ang humawak sa kaso at sa gitna ng imbestigasyon, nalaman niya na ang sasakyan ay ginagamit sa ride-sharing service sa ilalim ng Grab. Sinabi ng pulis na hindi makukuha ng mga sugatang pasahero ang kanilang insurance.
Ayon kay Eleazar, inalok ng 47-anyos na pulis na papalitan ang detalye ng traffic incident report kapalit ng P7,000.
Pumayag si Mones at sinabing ibibigay niya ang pera sa Linggo.
Gayunman, ayon kay Eleazar, dumiretso si Mones sa QCPD’s Special Operations Unit to upang i-report ang hinihingi ni Tanghay, dahilan upang magsagawa ng operasyon laban sa suspek.
Kitang-kita sa surveillance video ang pagtanggap ni Tanghay ng P7,000 mula kay Mones.
Ipinag-utos ni Eleazar ang pagsibak kay Tanghay at pagsasampa ng kasong robbery extortion.
Ang kanyang immediate boss, si Traffic Sector 3 commander Chief Insp. Narciso Cajipe Jr., ay pansamantala ring inaresto habang iniimbestigahan kung may alam siya sa ilegal na gawain ni Tanghay.
(Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)