NAGPAMALAS ng all-around game sa huling dalawang laro si Chris Ross ng San Miguel Beer, sapat para makopo ang parangal bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week sa kasalukuyang OPPO-PBA Commisioner’s Cup.
Kumubra ang 6-2 shooting guard ng averaged 15.5 puntos, 5.5 rebound, 10.0 assist at 2.5 steal sa panalo ng San Miguel Beer kontra Blackwater at GlobalPort. Bunsod nang panalo nakamit ng Beermen ang No.2 spot sa semifinals na may kaakibat na ‘twice-to-beat’ advantage.
Nakabalikwas ang Beermen mula sa 16 puntos na paghahabol sa half time at nakapag-ambag si Ross ng 14 puntos, 13 assist, limang rebound at tatlong assists para sibakin ang Blackwater Elite, 124-113, nitong Miyerkules.
Laban sa Batang Pier, malupit ang opensa ni Ross para sa 112-101 panalo.
Inaasahang mas tataas ang level ng performance ng dating Marshall University mainstay sa paglarga ng Final Four kung saan kailangan lamang nila ang isang panalo kontra sa No.7 Phoenix Fuel Masters.
Ginapi ni Ross, Finals MVP sa huling dalawang kampeonato ng San Miguel sa Philippine Cup, sa parangal ang kasanggang sina Marcio Lassiter at June Mar Fajardo, Star guard Paul Lee, Barangay Ginebra’s Mark Caguioa at Japeth Aguilar at GlobalPort guards Terrence Romeo at Stanley Pringle.