INANGKIN ng baguhang Flying V ang pansamantalang pamumuno nang pataubin ang kapwa opening day winner Gamboa Coffee Mix, 119-105, kahapon sa 2017 PBA D League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Nagposte si Jeron Teng ng 35 puntos, tatlong assist at tatlong rebound upang pangunahan ang ikalawang dikit na panalo ng Thunder.
Nakatikim ng kalamangan ang Coffee Lovers sa first quarter, pinakahuli sa iskor na 16-15 matapos ang three-pointer ni Alvin Padilla, may 5:32 ang nalalabi sa nasabing yugto.
Kasunod nito, naglatag ang Thunder ng 7-2 run upang agawin ang kalamangan na hindi na nila binitawan hanggang matapos ang Laban.
Sa kabila ng tagumpay, hindi ikinatuwa ni coach Eric Altamirano ang naging resulta ng laro.
“We have to work on our defense. We win but we allowed our opponent to score more than 100 points, “ pahayag ni Altamirano.
Umabot sa 19 puntos ang bentahe ng Thunder sa iskor na 96-77, may 7:40 pang nalalabi sa final quarter nang ma-outscore ang Coffee Lovers, 28-19.
Nanguna sa Coffee Lovers si Val Acuña na may 22 puntos.
Sa ikalawang laro, nakamit ng Cignal HD ang ikalawang sunod na panalo matapos ipalasap sa Zarks ang 107-69 kabiguan.
Mula sa 12 puntos na bentahe sa first quarter, 27-15, tuluyan nang umarya ang Hawkeyes sa second period sa pamumuno ng mga dating FEU standout na sina Reymar Jose at Monbert Arong para iposte ang 49-28 na kalamangan sa halftime.
Mula roon hindi na nakaporma ang Jawbreakers na nabaon pa hanggang 43 puntos sa iskor na 94-51.
Nagtapos na leading scorer para sa Hawkeyes si Andreas Cahilig na may 15 puntos na sinundan ni Reymar Jose na may double-double 12-puntos, at 17 rebound.
Dahil sa panalo umangat ang Cignal sa 2-1. (Marivic Awitan)