HINIHIMOK ni United Nations Secretary-General Antonio Guterres ang sangkatauhan na magmalasakit sa kalikasan at protektahan ang mga likas-yaman mula sa higit pang pagkasira.
“Let’s cherish the planet that protects us,” saad sa mensahe ni Guterres sa taunang selebrasyon ng World Environment Day kahapon.
Inilahad niya ang tungkol sa matinding pangangailangan para sa sama-samang pagmamalasakit, sinabing ang mga karagatan, parang, kalawakan, kagubatan at tubig ay mahalaga sa buhay at kaligtasan sa mundo.
“This is our environment—the keystone of a sustainable future,” sabi ni Guterres.
Nag-ulat tungkol sa kalagayan ng pandaigdigang kapaligiran, una nang nagbabala ang United Nations Environment Programme tungkol sa tumitinding pinsala sa kalikasan sa mundo.
Natukoy sa mga pagsusuri na ang paglobo ng populasyon, mabilis na urbanisasyon, pagtaas ng antas ng konsumo, pagdami ng disyerto, pagkasira ng mga lupain at climate change ay mga bantang pangkapaligiran na karaniwan na at “rapidly intensifying” sa maraming panig ng mundo, ayon sa United Nations Environment Programme.
Ayon sa United Nations Environment Programme, ang mga pagbabago sa kalikasan na nasasaksihan ng mundo ay mabilis na nangyayari, mas mabilis kaysa unang inakala.
Sa mga sitwasyong gaya nito, nagiging napakahalaga para sa mga gobyerno ang kumilos para protektahan at isalba ang kalikasan sa halip na abusuhin ito, upang mabawi pa ang pinsala sa kalikasan hanggang may panahon pa para gawin ito, ayon sa United Nations Environment Programme.
Nagbabala ang ahensiya ng UN na ang kabiguang maaksiyunan ang usapin ay mangangahulugan ng higit pang pagkasira ng kalikasan na tiyak na magdudulot ng masamang epekto sa sangkatauhan at sa mundo.
Ang selebrasyon ng World Environment Day ngayong taon ay may temang “Connecting people to nature”—hinihikayat ang sangkatauhan na lumabas ng bahay at makisalamuha sa kalikasan upang higit nilang mapahalagahan ang kagandahan nito at higit na maunawaan ang pangangailangang protektahan ang kapaligiran.
“Without a healthy environment, we cannot end poverty or build prosperity,” sabi ni Guterres.
Hinihimok niya ang lahat na magkaroon ng sariling kontribusyon upang matiyak ang maayos at ligtas na kapaligiran para sa lahat.
Kabilang dito, aniya, ang pagbabawas sa paggamit ng mga plastic, hindi madalas na pagmamaneho, bawasan ang pagsasayang ng pagkain, at turuan ang bawat isa kung paano pangangalagaan at poprotektahan ang mundo, aniya.
“On World Environment Day and everyday, let us reconnect with nature,” sabi pa ni Guterres. (PNA)