NAGKAROON ng ekslusibong panayam si Ms. Korina Sanchez-Roxas sa Rated K nitong nakaraang Linggo sa dating PBA superstar na si Paul Alvarez na inaresto kamakailan dahil sa paggamit ng bawal na gamot.
Nahuli sa isang operasyon ng pulisya ang dating sikat na basketbolista sa isang shabu pot session sa Quezon City.
Ayon kay Paul, pakiramdam niya ay na-set up siya. Aniya, papunta siyang Baguio kaya nanghihiram siya ng perang pangpamasahe sa lugar na naarestuhan sa kanya.
“’Yung kaibigan kong tumutulong sa’kin na akala ko’y kaibigan ko, pinuntahan ako sa condo ko sa Valenzuela. Pahiramin niya daw ako ng dalawang libo, so sinama niya ako d’yan. ‘Yun pala, ito lang gagawin sa ‘kin. Dahil sa dalawang libo, ito’ng sinapit ko.
“Sino’ng tutulong, eh, dalawang libo nga, walang tumutulong sa ‘kin. Ito pa kaya, di ba niya naisip ‘yun? Kaya wala, talagang wala kang kapag-a-pag-asa talaga. Nakakahiya talaga,” ayon sa dating PBA player.
Matatandaan na nasangkot na noong 2011 sa isyu ng droga si Paul. Nasangkot din siya sa ilang basag-ulo at kontrobersiyal na pakikipaghiwalayan sa naging asawang si Almira Muhlach at ilan pang dating kinakasama niya.
(ADOR SALUTA)