NAKAKAALIW lagi ang reaction ni Miguel Tanfelix tuwing tinutukso ng mga reporter na kung hindi pa siya manliligaw ay baka maunahan siya ng maraming nagkakagusto sa ka-love team niyang si Bianca Umali na lalong gumaganda habang nagdadalaga.
Kahit sinasabi ni Miguel na “okay lang,” halatang apektado siya.
Sa ngayon, wala pang dapat ikatakot si Miguel na baka maunahan siya dahil at 17 years old, ayaw pang mag-entertain ng suitors ni Bianca. Nagbiro nga itong pagdating pa niya ng 35 years old siya magbo-boyfriend.
Pero siguro naman priority sa list si Miguel kung mag-decide si Bianca na magpaligaw na at mag-boyfriend.
“Basta ako, nandito lang nasa tabi niya lagi, nakaalalay. Masaya akong maging kaibigan at ka-love team ni Bianca.
Lalong masaya dahil sa Mulawin vs Ravena, madalas din kaming magkasama sa taping. Nakakapagkuwentuhan kami, walang nabago kahit pareho kaming busy,” sabi ni Miguel.
Ngayong linggo na lalabas sina Miguel at Bianca bilang ang mga lumaking sina Pagaspas at Lawiswis. Masaya si Miguel na sa kanya uli ipinagkatiwala ang role ni Pagaspas na ginampanan niya noong bata pa siya.
“Ang kaibahan ngayon, malaki na si Pagaspas, iba na ang feeling ‘pag suot ko na ang costume dahil mas nag-sink in na sa akin. Iba ang feeling ko the first time suot ko ang costume, ang armor, headdress at contact lens. Nang humarap ako sa salamin, hindi na si Miguel ang nakita ko kundi si Pagaspas, nangilabot ako,” sabi ni Miguel. (Nitz Miralles)