Dahil sa ginawang pagpapaputok ng baril, na ikinasugat ng isang lalaki, kinuyog at pinagtulungang gulpihin ng mga bading si Janiuay Mayor Jose “Jojo” de Paula sa Maasin, Iloilo, nitong Linggo ng hapon.

Ayon sa report ng Maasin Municipal Police, isang sibilyan ang nasugatan sa pagpapaputok ng baril ng alkalde sa Barangay Tubang, Maasin.

Sinabi ni Senior Insp. Rey Cordero, hepe ng Maasin Police, inaresto at dinala sa ospital ang alkalde makaraang magtamo ng sugat sa ulo nang pagtulungang bugbugin ng mga bading sa Villa Teresita, Inland Resort dahil sa pagpaputok ng .9mm caliber pistol.

Nabaril sa tiyan si Donald Robles, 20, ng Bgy. Naslo, Maasin, at dinala sa Cabatuan Memorial Hospital.

Ayon kay Cordero, posibleng hindi rehistrado ang baril ng mayor.

Probinsya

17-anyos na dalagita, pinatay sa hampas ng tubo ng sariling ama!

Nabatid ng pulisya na Sabado ng gabi nang dinala ng alkalde sa resort ang basketball team ng Janiuay upang ipagdiwang ang pagkakapanalo sa liga.

Nagkataon namang may grupo rin ng mga bading sa lugar nang mga oras na iyon at napaulat na pinilit ng alkalde na sumali sa grupo, pero tinanggihan siya at hindi rin nakilala bilang mayor.

Pumagitna ang pamunuan ng resort sa dalawang panig at kaagad namang sumakay sa kanyang pick-up truck si de Paula para umalis.

Gayunman, nagpaputok muna ng kanyang baril ang alkalde at natamaan si Robles.

Dahil dito, hinarang ng mga barangay tanod ang sasakyan ng opisyal at tinangkang kumpiskahin ang kanyang baril.

Nang tumanggi si de Paula na isuko ang kanyang baril, pinagtulungan umano siyang gulpihin ng mga bading.

(FER TABOY at TARA YAP)