SINIMULAN muli ng militar ang air strikes sa Marawi kung saan umano namumugad ang grupo ng Maute pagkatapos na suspendihin ang mga ito para bigyan ng pagkataon ang mga residente na lisanin ang kanilang mga tahanan. “Nais kong lahat ng Maute na nasa Marawi ay mamatay,” wika ni Pangulong Digong.

Marami na, aniya, ang namatay sa kanyang mga sundalo at pulis, kaya tinatanggihan niya ang anumang usapang pangkapayaan sa mga teroristang ito. Pero hindi binanggit ng Pangulo na higit na marami ang mga nasawing sibilyan at pulis sa air strikes na kung tawagin nila ay “friendly fire”.

Pero, sinabi niya nga na sa pagdeklara niya ng martial law at para pangalagaan ang kanyang mamamayan, wala siyang pakialam kung marami ang mamatay dahil hindi ito maiiwasan.

Kay Pangulong Digong hindi ito maiiwasan, pero naiwasan sana ito kung ang mga mambabatas ay ginampanan ang tungkuling ibinigay sa kanila ng sambayanan na repasuhin ang deklarasyon ng martial law pagkatapos na isinumite ito sa kanila.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Kahit paano, nagkaroon ng pag-iingat ang mga nagpairal nito dahil may nagbabantay sa kanila. Ang napakalaking problema ng sambayanan ay kinatigan kaagad nila ang Pangulo sa ginawa niya, kaya naging lisensiya ito ng Pangulo sa pagtataguyod niya ng batas militar kahit pabara-bara itong ipinaiiral.

Ang konsuwelo na lang ng sambayanan ay may humiwalay na ilang mambabatas na hindi nila naipursige sa kanilang kapwa na gampanan ang trabaho ng Kongreso na repasuhin ang batas militar. Kasama ang ibang mga organisasyon, sila ay magtutungo sa Korte Suprema para ipabasura ito. Wala anilang sapat na batayan si Pangulong Digong, bilang Commander-in-Chief, na ipataw ang kontrol ng militar sa buong Mindanao sa paghahabol lamang sa “terrorist bandits” sa Marawi City. Ngayon masusubok ng taumbayan kung sino ang nagsasabi ng totoo sa pagitan ng Pangulo at kanyang mga tagapagsalita.

Nagbanta noong una ang Pangulo na hindi niya igagalang ang pakikialam ng Kongreso at Korte Suprema sa pagdedeklara niya ng martial law. Wala raw ang mga ito sa larangan ng labanan upang malaman kung ano ang nagaganap dito. Hindi raw sila gaya ng mga sundalong namamatay at nasusugatan.

Kasasabi pa lang ito ng Pangulo, nagpaliwanag na ang kanyang mga tagapagsalita at sinabing hindi raw layunin ng Pangulo na hindi igalang ang Kongreso at Korte Suprema. Ipinauubaya, anila, ng Pangulo sa kanila ang pagtukoy kung ang deklarasyon nito ay naaayon sa batayang nakasaad sa Saligang Batas. Ipagwawalang-bahala ba o igagalang... ng Pangulo ang Korte?

Pero igalang man o hindi ni Pangulong Digong ang anumang mapagpasyahan ng Korte Suprema, ang mahalaga ay may kumikilos at magsasampa na ng petisyon para ipabasura ang batas militar. Dito magkakaroon ng pagkakataon ang mamamayan para malaman kung ang martial law nga ay para sa kanilang kapakanan.

Batay sa mga naging desisyon ng Korte sa panahon ng administrasyong Duterte, may kumakalas sa mayoryang miyembro nito para ipakita ang buong larawan ng isyu. Ito ang magsisilbing gabay ng taumbayan na noong panahon ng diktadurya ay naging ilaw nila sa kadilimang lumukob sa buong bansa. (Ric Valmonte)