BUBUHAYIN ng mga dati at kasalukuyang player ng magkaribal na De La Salle at Ateneo ang hidwaan sa court sa ‘Battle of Rival’ charity game sa Hulyo 16 sa MOA Arena.
Mula sa bakuran ng UAAP, muling magliliyab ang tungglian sa labanan na may katuturan. Sa tulong ng Rebisco, ang kikitain sa torneo ay mapupunta sa mga scholar ng De La Salle University Foundation at Ateneo de Manila University Foundation.
Handa nang sumabak sina dating Lady Spikers Mika Reyes, Kim Fajardo, Aby Marano, Ara Galang, Cha Cruz, Michele Gumabao, Cyd Demecillo at Mel Gohing.
Pipiliin ni coach Ramil de Jesus ang magiging team captain ng 10-time UAAP champion.
Hindi naman magpapahuli ang Ateneo sa pangunguna nina dating three-time MVP Alyssa Valdez, Fille Cainglet-Cayetano, Denden Lazaro, Ella de Jesus, Amy Ahomiro at kasalukuyang mainstay Jhoanna Maraguinot, Maddie Madayag at Jia Morado.
“(This event is to) help promising students realize their dreams and aspirations,” pahayag ni Rolando Delfino, Rebisco VP for Corporate Planning.
“The understanding is, thorugh the athletics office, it will benefit our student-athlete scholarship programs,” sambit naman ni La Salle athletic director Nongnong Calanog.
Nagkaharap ang La Salle at Ateneo sa huling anim na Finals ng UAAP kung saan tangan ng Lady Spikers ang 4-2 bentahe.