GUIMBA, Nueva Ecija - Isang 24-anyos na magsasaka na may sakit na epilepsy ang natagpuang lulutang-lutang sa ilog sa Barangay Narvacan II sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija, nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ng Guimba Police ang umano’y nalunod na si Roberto Mercado Alabas, 24, may asawa, magsasaka, residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Chief Insp. Ador Sungay Depnag, hepe ng Guimba Police, itinawag sa kanila ni Romeo Javier, chairman ng Bgy. Narvacan II, ang tungkol sa isang palutang-lutang na bangkay sa Baloy River, bandang 10:30 ng umaga.
Tumanggi ang pamilya ni Alabas na isailalim pa siya sa awtopsiya dahil kumbinsido silang nalunod ito makaraang sumpungin ng matagal nang sakit na epilepsy. (Light A. Nolasco)