ISA sa mga advocacy ni Alden Richards ang pagtulong sa edukasyon ng mga bata, kaya nitong nakaraang Linggo, a day nagbukas ang school year 2017-2018, tinupad niya ang pangakong outreach program para sa Grade 1 pupils ng Pulong Sta. Cruz Elementary School sa Barangay Pulong Sta. Cruz, Sta. Cruz, Sta. Rosa City sa Laguna.
Present ang 120 Grade 1 pupils sa outreach bukod pa sa kani-kanilang magulang kaya medyo nahirapan ang sponsoring fans club ni Alden at ni Maine Mendoza na binubuo ng Alden Knights Philippines, Alden Knight Vancouver, MaiChard Lovers at AlDub Guardians, para maging maayos ang outreach activity. Lahat kasi gustong magpa-picture kay Alden na game na game naman sa mga bata.
Pagkatapos ng Sunday Pinasaya nitong Linggo, umuwi na ng Laguna si Alden. Mas naunang dumating sa kanya ang amang si Daddy Bae na tumulong naman sa pagbibigay ng merienda sa pupils, ang ini-endorse na food chain nina Alden at Maine.
Kaya pagdating ni Alden, siya naman ang namigay ng school bags na kumpleto na sa school supplies.
Nang tanungin sa interview ni Cata Tibayan ng 24 Oras Weekend kung bakit education ang isa sa advocacies niya, ang sagot ni Alden, “Kasi ang education ang isang gift na p’wede mong ibigay sa isang bata, na hindi mo p’wedeng agawin sa kanya. Kaya hindi ako nagkakait ng tulong sa ganitong outreach, basta libre ako na mabisita naman ang mga batang tulad nila.”
Nagkaroon din ng raffle ng stuffed toys donated ng Enchanted Kingdom na hindi lang mga bata ang nakapag-uwi, meron din si Daddy Bae para sa bunso nilang si Angel at isang malaking stuffed toy din ang ibinigay nila kay Alden. Hmmm, parang alam mo na kung kanino mapupunta ang stuffed toy na ‘yon.
Sa ngayon, puno na naman ang schedule ni Alden ng events na pupuntahan, habang naghahanda na sila ni Maine ng susunod nilang movie na ididirek uli ni Mike Tuviera ng blockbuster movie nilang Imagine You & Me.
This time, ‘secret’ pa ang sagot sa amin ni Direk Mike kung saan naman ang location nila ng bagong movie for APT Entertainment this year. Sa Italy kinunan ang unang pelikula ng Aldub. (NORA CALDERON)
