SAN JOSE CITY, Nueva Ecija - Dalawang lalaki ang magkasunod na dinukot ng mga armadong lalaki na nakasuot ng bonnet sa magkahiwalay na lugar sa San Jose City, Nueva Ecija, nitong Sabado ng umaga.
Sa mga ulat na nakalap ng Balita mula sa tanggapan ni Supt. Reynaldo Dela Cruz, hepe ng San Jose City Police, nakilala ang mga dinukot na sina Bernie Primero Jose, 41, ng Bgy. Abar 1st; at isang 17-anyos na lalaking taga-Bgy. Kita-Kita, San Jose City.
Nabatid mula sa 27-anyos na stay-in waiter na kasamahan ni Jose sa trabaho, bandang 3:00 ng madaling araw nang mangyari ang pagdukot.
Limang armadong lalaki ang umakyat umano sa bakod at pinasok ang tinutulugan ni Jose, sapilitan itong kinaladkad palabas at isinakay sa isang nakaparadang maroon na van na walang plaka.
Batay sa naman sa salaysay ng 44-anyos na kapatid ng binatilyo, bandang 3:15 ng umaga nang dukutin ang binatilyo makaraang maalimpungatan sa pagkakahimbing. (Light A. Nolasco)