Nagsimulang magdala ng baril si Jessie Javier Carlos, suspek sa pag-atake sa isang hotel and casino sa Pasay City nitong Biyernes, sa trabaho matapos siyang sampahan ng kasong kurapsiyon, ayon sa dating kasamahan ng sinibak na tax expert sa Department of Finance (DoF).
Sa pakikipag-usap kahapon sa Manila Bulletin ng kasamahan ni Carlos, na humiling na huwag pangalanan, sinabi niyang kilala niya si Carlos na “keeps himself to himself.”
“Tahimik siyang tao pero magaling mag-basketball,” kuwento ng DoF employee. “Pero alam na naming mahilig talaga siya sa sugal at casino.”
Kinumpirma kahapon ng DoF na si Carlos ay dating tax specialist ng One Stop Shop Tax Credit and Duty Drawback Center ng kagawaran, na sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman noong Abril 2014.
Sa pahayag ng DoF, nag-ugat ang kaso ni Carlos sa reklamong inihain ng Revenue Integrity Protection Service (RIPS) noong Disyembre 2011 dahil sa pagkabigong ideklara ang kabuuan ng kanyang ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities Net Worth (SALN).
“Alam naming meron siyang sariling baril pero napansin naming nagsimula lang siyang magdala noong after magkaroon siya ng kaso sa Ombudsman, siguro dahil na rin sa takot para sa sarili,” ayon sa empleyado ng DoF.
Sa press statement na ibinahagi sa RIPS website noong Mayo 7, 2014, sinibak si Carlos noong Abril 25, 2014 sa kasong Grave Misconduct at Gross Neglect of Duty sa hindi pagdedeklara ng kanyang house and lot sa Maynila sa kanyang 2003 hanggang 2006 SALN.
Sinabi rin ng RIPS na nabigo si Carlos na ideklara ang kanyang Toyota Innova at ang kanyang business interest sa kanyang 2007 at 2010 SALN, ayon sa pagkakasunod.
Nalaman din ng Ombudsman na si Carlos—na ang kabuuang kita mula 2001 hanggang 2011 ay umabot sa P2.46 milyon—ay bumili ng dalawang sakahan sa Tanauan City, Batangas sa halagang P4 milyon noong 2010. (Chino S. Leyco)