UMABOT sa hangganan ang duwelo, ngunit mas kinasiyahan ng suwerte ang Pocari Sweat para maigupo ang matikas na Power Smashers, 25-23, 25-19, 23-25, 22-25, 15-12, nitong Sabado para makalapit sa minimithing pagdepensa sa korona sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa The Arena in San Juan.
Hataw si American import Michelle Strizak sa naiskor na 20 puntos, habang kumana sina Myla Pablo at Jeanette Panaga sa nakubrang 16 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod sa opening ng kanilang best-of-three semifinal duel.
Target ng Lady Warriors, galing sa maagan na 3-0 panalo sa round robin quarterfinals, na tapusin ang serye sa Martes sa Game 2.
Umabante rin ang Balipure sa hiwalay na semifinal duel kontra sa crowd favorite Creamline, 22-25, 25-23, 25-14, 25-21.
Nagsalansan si American import Jennifer Keddy ng 24 puntos para sa Water Defenders, habang kumana si National University standout Risa Sato ng 13 puntos at nag-ambag si dating San Sebastian ace Grethcel Soltones ng 11 puntos.
Asam ng Balipure ang Finals sa Game 2 sa Martes.
Sa men’s division, kapwa nailista ng No.3 seed Sta. Elena at No.4 Philippine Army ang pahirapang panalo laban sa liyamadong karibal para makalapit sa championship match.
Ginapi ng Sta. Elena ang No.2 seed Cignal, 25-20, 24-26, 25-22, 30-28, habang pinabagsak ng Army ang No.1 seed Air Force, 25-23, 25-22, 21-25, 25-20.
Nanguna si Edward Camposano sa Sta. Elena na may 22 puntos. (Marivic Awitan)