MAY dahilan ang lahat ng probisyon ng batas militar sa 1987 Constitution—na umiiral ngayon. Nais na makatiyak ng Constitutional Commission na lumikha nito noong unang taon ng administasyon ni Corazon Aquino na hindi na mauulit ang mga pag-abuso sa pagpapairal ni Marcos ng batas militar noong 1972 hanggang 1981.
Ang batas militar na idineklara noong 1972 ay saklaw ng 1935 Constitution, na nakasaad sa Article VII, Section 11(2):
“The President shall be the commander-in-chief of all armed forces of the Philippines and, whenever it becomes necessary, he may call out such armed forces to prevent or suppress lawless violence, invasion, insurrection, or rebellion. In case of invasion, insurrection, or rebellion, or imminent danger thereof, he mas suspend the privileges of the writ of habeas corpus, or place the Philippines or any part hereof under martial law.”
Taong 1972 nang sabihin ni Pangulong Marcos na may matinding banta ng pagsalakay ng mga Komunista kaya naman nagdeklara siya ng batas militar. Inalisan niya ng kapangyarihan ang Kongreso at piniling pangasiwaan ang pamahalaan sa bisa ng dekrito ng pangulo. Umiral ang batas militar sa sumunod na siyam na taon, at opisyal na nagwakas noong 1981, ngunit patuloy na nanaig ang takot at pang-aabuso sa mga sumunod na taon, hanggang mapatalsik siya sa kapangyarihan sa pamamagitan ng EDSA People Power noong 1986.
Sa masidhing kagustuhan na maiwasang maulit ang pinakamatinding bangungot sa kasaysayan ng bansa, inamyendahan ng mga bumuo ng 1987 Constitution—ang kasalukuyang umiiral—ang ilang bahagi ng batas militar at tinanggal ang probisyong “in imminent danger thereof”, dahil naging dahilan ito upang ideklara ang batas militar noong 1972. Maaari lamang na iproklama ng Pangulo ang martial law “for a period not exceeding sixty days”.
Sa loob ng 48 oras matapos ang proklamasyon, nakasaad sa Article VII, Section 8, na dapat na personal na humarap o lumiham ang Pangulo sa Kongreso, at ang Kongreso “voting jointly, by a vote of a least majority of all its Members in regular or special session, may revoke such proclamation or suspension, which revocation shall not be set aside by the President. If not in session, Congress shall convene within 24 hours without need for a call.”
May iba pang mga limitasyon: Maaaring himayin ng Korte Suprema ang pinagbasehan ng proklamasyon sa isang kasong inihain ng sinumang Pilipino. Mananatili ang hukumang sibil—hindi magkakaroon ng mga military court para sa mga sibilyan. Maaaring suspendihin ang writ of habeas corpus sa kaso ng rebelyon o paglabag na may kinalaman sa pagsalakay o pagkubkob.
Inasahan nating magpupulong ang Kongreso sa isang pinag-isang sesyon—dahil paano pa nga ba sila makaboboto bilang isa, batay sa itinakda ng Konstitusyon? Ngunit sa halip, nagpulong ang Kamara nitong Miyerkules ng gabi at inaprubahan ang isang resolusyon ng suporta sa nakalululang dami ng boto. Sa panig ng Senado, nagpasa ito ng resolusyon na sa kasalukuyang panahon ay walang matinding dahilan upang bawiin ang proklamasyon. Kung nagkaroon ng joint session, maoobliga ang lahat ng mambabatas na isa-isang bumoto upang matukoy ang pasya ng mayorya.
Takot ba ang Kongreso na mariing tumutol ang ilang kasapi sa joint session? Maliit ang posibilidad na mangyari ito, kung ikokonsidera ang malawakang suporta ng publiko sa proklamasyon ng batas militar upang pigilan ang Maute na naiimpluwensiyahan ng ISIS. O nais ba ng mga mambabatas na ilihim ang kanilang boto?
Anuman ang dahilan, may balitang idudulog ang isyu sa Korte Suprema, dahil isa itong usapin sa Konstitusyon. Naiwasan sana ang anumang kalituhan kung tumalima na lamang ang ating mga mambabatas sa probisyon ng batas—na kailangan nilang pagsamahin ang kanilang mga boto sa usapin.