SA simula ng labanan na 13 araw nang lumiligalig sa Marawi City sa Lanao del Sur, sinalakay ng mga armadong terorista ng Maute Group ang piitan ng siyudad, sa labis na pagkagulat ng mga nagbabantay sa preso.

“Ang sabi nila ‘isuko ang mga Kristiyano’,” sabi ni Faridah P. Ali, assistant director ng Bureau of Jail Management and Penology ng Autonomous Region in Muslim Mindanao. “Iisa lang ang Kristiyanong tauhan namin dito kaya isinama namin siya sa mga bilanggo para ‘di siya mapansin,” aniya.

Una nang sumumpa ng alyansa sa Islamic State (IS), tinakot ng mga terorista ang mga guwardiya at binulyawan ang mga bilanggo: ngunit walang isa man sa mga ito ang nagsuko sa Kristiyano. “Nang pinalaya nila ang mga bilanggo, kasama nila siyang nakalabas,” kuwento ni Ali.

Naging bangungot na ang mga sumunod na oras makaraang kontrolin ng mga terorista ang malaking bahagi ng siyudad, sinalakay ang mga himpilan ng pulisya upang mangulimbat ng mga baril at bala, at mabilis na hinarangan ang mga kalsada habang pumoposisyon ang mga sniper sa matataas na gusali malapit sa mga lansangang papasok at palabas ng lungsod.

Aabot na sa 180 katao ang nasawi sa pag-atake at nasa 200,000 katao sa Marawi ang lumikas.

Ang pagkubkob ng Maute at mga kaalyado nito sa Marawi ang pinakamalaking banta na puntirya ng Islamic State ang pagtatatag ng base nito sa Timog-Silangang Asya at dinala sa rehiyon ang mga brutal na taktika at estratehiya ng mga terorista na nasaksihan sa Iraq at Syria sa nakalipas na mga taon.

Sinabi ng mga lokal na opisyal sa Mindanao na lumilinaw ang mga ebidensiya na isa itong sopistikadong plano upang pagsama-samahin ang mga puwersa mula sa iba’t ibang grupong sumusuporta sa Islamic State sa layuning makubkob ang Marawi.

Ang presensiya ng mga dayuhan—na ang ilan ay nagmula pa sa Saudi Arabia, Pakistan, Chechnya at Morocco, ayon sa intelligence sources—na kasamang lumalaban ng mga lokal na terorista, ay partikular na ikinabahala ng militar at pulisya.

Sa nakalipas na mga taon, nababahala ang mga gobyerno sa Timog Silangang Asya kung ano ang mangyayari sakaling magbalikan sa kani-kanilang bansa ang dalubhasa na sa pakikipaglaban na mga mandirigmang Asyano mula sa Islamic State makaraang manamlay ang operasyon ng teroristang grupo sa Gitnang Silangan, at higit pa silang naliligalig na nagiging magnet ngayon ng mga dayuhang terorista ang Timog Silangang Asya.

Ayon sa mga opisyal ng militar sa Pilipinas, nagpadala ng kani-kaniyang mandirigma sa Marawi ang apat na pangunahing grupong terorista sa bansa na sumusuporta sa Islamic State, sa layuning magtatag ng “wilayat”—o governorate—ng Islamic State sa Timog Silangang Asya.

Sa report nito, sinabi ng Combating Terrorism Center sa West Point, New York, na tinitipon ng Islamic State ang mga kaalyansa nitong grupo sa Timog Silangang Asya upang mapalakas ang presensiya nito sa rehiyon. (Reuters)