Arestado ang hinihinalang Taiwanese drug dealer na nakumpiskahan ng P250 milyong halaga ng shabu, na isinilid sa styrofoam na tinabunan ng garbage bag na puno ng dried tamban, sa isang hotel sa Parañaque City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Senior Superintendent Graciano Mijares, Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) director, ang suspek na si Chen Teho Chang, 56, ng Biñan, Laguna.

Sinabi ni Mijares na inaresto si Chang sa parking lot ng isang hotel sa kahabaan ng Macapagal Boulevard, Barangay Baclaran, dakong 6:00 ng gabi.

Si Chang, na 20 taon nang namamalagi sa bansa, ay dalawang buwang naka-under surveillance bago sila nakatanggap ng tip na ito ay magpapadala ng ilegal na droga sa isang big time Filipino buyer.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“It was a product of surveillance, the fact is namonitor namin siya na may shipment siya na ganito karami so kumilos na agad kami,” sinabi ni Mijares sa Balita.

Sinabi ni Mijares na nakatakdang makipagkita si Chang sa isang kliyente sa hotel at sakay sa maroon Honda Civic (VEM 268) ngunit napurnada ang operasyon sa pagdating ng mga operatiba ng PNP-DEG, Philippine Drug Enforcement Agency, Southern Police District, at Parañaque police at inaresto ang suspek.

Nakuha ng awtoridad ang 50 pakete ng hinihinalang shabu sa loob ng tatlong kahon styrofoam. Nakalusot sa security ng hotel ang ilegal na droga dahil tinabunan ito ng garbage bag na puno ng dried fish.

Ayon kay Mijares, malaki ang posibilidad na miyembro si Chang ng bigating illegal drug group.

“Yes, there is a big possibility and we are now conducting a follow up operation about it,” ani Mijares.

Idineretso si Chang sa PDEA detention cell at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)