MANCHESTER, ENGLAND (Reuters) – Pinangunahan ni Ariana Grande ang star-studded benefit concert sa Manchester nitong nakaraang Linggo na naging masaya’t malungkot, bilang tulong sa mga biktima ng pambobomba na yumanig sa lungsod nitong nakaraang buwan, habang matindi ang pangamba sa seguridad sa pagkamatay ng pito katao sa panibagong pag-atake ng tatlong salarin sa London Bridge nitong Sabado.
Tinatayang 50,000 fans ang dumagsa sa Old Trafford cricket ground para sa One Love Manchester concert sa ilalim ng matinding pagbabantay ng pulisya, kabilang ang maraming sundalo, isang tanawin na hindi pangkaraniwan sa mga ordinaryong pagkakataon.
Nagtanghal ang malalaking pop acts mula sa magkabilang panig ng Atlantic, kabilang ang local heroes na Take That at si Liam Gallagher, kasama sina Pharrell Williams, Katy Perry, Justin Bieber, Little Mix, Coldplay, Black Eyed Peas, at si Ariana.
Ang show ay pinaghalong kasiyahan at pagninilay – paminsan-minsan ay makikita ang fans na tumatalon sa saya, samantalang ang iba naman ay may hawak na mga bandila na may mga nakasulat na “for our angels”, at nagpapahid ng kanilang luha. Nagsimula ang show sa panandaling katahimikang inialay sa mga biktima ng pambobomba dalawang linggo na ang nakalilipas.
“I don’t want to feel or hear or see any fear in this building,” sabi ng U.S. singer na si Pharrell Williams sa madla habang nangunguna sa pag-awit ng kanyang hit single na Happy. “The only thing we’ll feel here tonight is love, and positivity.”
Nakiawit si Miley Cyrus at sinabing: “I’d like to wrap my arms around each and every one of you and thank you... The most important responsibility we have in this time is to take care of one another.”
Habang nagtatanghal naman si Katy Perry, sinabi niya sa madla na: “love conquers fear and love conquers hate, and this love you choose will give you strength and it’s our greatest power,” bago hiniling sa lahat na yakapin ang kanilang mga katabi.
Hindi lumayo sa isipan ng mga tao ang malungkot na dahilan kung bakit idinaos ang konsiyerto. Sinabi ni Ariana sa audience na ang kanyang piniling awitin ay naimpluwensiyahan ng ina ng 15-anyos na si Olivia Campbell, na namatay sa pambobomba.
Nagbigay-pugay din ang Sorry singer na si Justin Bieber, at sinabing: “I just want to take this moment to honor the people that were lost. We love you so much. To the families, we love you so much.”
Umabot sa 14,000 ng mga dumalo sa konsiyerto ni Ariana noong Mayo 22, kung saan pinaslang ng suicide bomber ang 22 kabataan, ang binigyan ng libreng tiket para dumalo sa palabas nitong Linggo. Ang ilan ay nahikayat na dumalo dahil sa kanilang paghanga sa pop star sa kabila ng pangamba sa seguridad.
“I’m real excited, but real scared,” ani Shannon Beetham, 14, na nasugatan sa pambobomba noong nakaraang buwan. “We were there in Manchester (arena) as well, I was hit.”
Marami ring masasayang sandali, gaya nang makita ang mga nakaunipormeng pulis na naghawak-kamay sa fans at nakisayaw, o nang awitin ng dating bokalista ng Oasis na si Liam Gallagher ang swaggering version ng Rock ‘n’ Roll Star.
Isinara ni Ariana ang show sa pag-imbita sa iba pang performers sa entablado para awitin ang kanyang 2014 hit na One Last Time, bago niya inawit ang malungkot na solo version ng Somewhere Over the Rainbow.
At tila nakalimutan ng fans ang anumang takot sa pagtatapos ng gabi. Isang kumpol ng masayang middle-aged fans ang umawit ng “Tonight, I’m a rock and roll star” habang papalabas ng stadium.