Tuluyan nang nakilala kahapon ang armadong responsable sa pag-atake sa Resorts World Manila nitong Biyernes, hindi dayuhang terorista kundi isang Pilipino na “sobrang lulong sa casino gambling.”

Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Oscar Albayalde ang armadong suspek na si Jessie Javier Carlos, Filipino, 42, hiwalay, dating license brokerage sa Department of Finance (DOF), ng No. 1663 Felix Huertas Street, corner San Lazaro, Barangay 339, Zone 34, Sta. Cruz, Maynila. Siya ay sinibak sa serbisyo noong 2014, ayon kay Albayalde.

“After backtracking, we have finally established the identity of the perpetrator. At 5:30 a.m. this morning (Linggo) members of his family arrived and sat down with our SITG (Special Investigation Task Group) investigators. After thorough review of details, photos, CCTV footages, the family confirmed the identity of the perpetrator,” aniya.

Isiniwalat ni Albayalde na nalulong si Carlos sa casino gambling “several years back” at umabot sa puntong pinagbawalan na siya ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) na pumasok sa lahat ng casino sa bansa simula noong Abril 3, 2017.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“On April 3, 2017 he was barred by PAGCOR from all casinos due to the request of his next of kin. So this could probably have triggered him kaya galit na galit siya sa casino,” pahayag ni Albayalde.

Sinabi rin ni Albayalde na hindi “baliw” si Carlos, ngunit naniniwala siya na ito ay gulung-gulo sa dami ng problemang kinakaharap.

“He is heavily in debted due to being hooked in casino gambling according to his immediate family. This became the cause of misunderstanding with his wife and parents,” sabi ni Albayalde.

“He has a bank account with an outstanding debt of P4 million and several other non-bank related debt. He sold his Ford Ranger due to financial constraints,” dagdag niya. Idinagdag niya na ibinenta rin ni Carlos ang kanilang ari-arian sa Batangas.

Dahil sa pagkalulong sa bisyo, nauwi rin sa hiwalayan ang kanilang relasyon ng kanyang asawa, si Jen, na ina ng tatlo niyang anak na nasa edad 17, 14 at 7.

Humarap si Jen, sakay sa wheelchair, sa media kasama ang magulang ni Carlos na sina Fernando at Teodora. Gayunman, hindi siya tumanggap ng kahit anong katanungan mula sa press dahil sa nararanasang extreme emotional depression, ayon kay Albayalde.

Samantala, sinabi ni Albayalde na ikinokonsidera na nila itong case closed dahil nakilala na ang suspek.

“As promised iimbestigahan natin lahat ng anggulo, I’m sure meron at merong mananagot dito. Kung magfa-file ng kaso ‘yung mga namatayan we’d be willing to assist them, both the civil liability and criminal liability ito dahil maraming nasawi dito,” ani Albayalde.

DUTERTE PERSONAL NA NAKIRAMAY

Matapos bisitahin ang mga sugatang sundalo sa Cagayan de Oro nitong Sabado, dumiretso si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya ng mga biktima ng pag-atake sa hotel and casino.

Sa paglapag ng kanyang eroplano sa Villamor Air Base, agad nagtungo si Duterte sa Veronica Memorial Chapel kung saan inilagak ang labi ng siyam sa mga namatay, kabilang si Carlos, dakong 11:00 ng gabi.

Bumisita siya sa burol ng mga biktimang sina Taiwanese Hing Tung Tsung, Lai Wei-Chung, at Lai Yu-Chieh – at Pilipinong si Carmelita dela Cruz.

DSWD AAYUDA SA MGA BIKTIMA

Tutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga biktima ng pag-atake hotel and casino attack.

Ayon kay DSWD Secretary Judy Taguiwalo, nagpadala na siya ng mga tauhan sa mga ospital upang alamin ang kalagayan ng mga ito upang malaman ang maaaring maibigay na tulong.

“Handa po ang ahensya na magbigay ng kaukulang tulong sa mga nasugatan at mga pamilyang naulila ng madilim na insidenteng nangyari sa Resorts World Manila. Patuloy din po ang paalala namin sa publiko na manatiling mapagmatyag at alerto sa mga kahina-hinalang mga kilos, bagay o aktibidad at agad itong ipagbigay-alam sa mga awtoridad sa inyong lugar,” paalala pa ni Taguiwalo.

(May ulat nina Argyll Cyrus B. Geducos at Rommel Tabbad) (MARTIN A. SADONGDONG, BELLA GAMOTEA at BETH CAMIA)